2,406 total views
Ikinagalak ng mga kawani ng Bureau of Fire Protection na mapabilang ang BFP National Headquarters sa Quezon City sa mga tanggapang dinalaw ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Ayon kay BFP Post Chaplain Fr. (SInp) Raymond Tapia, CHS, nagpapatunay ito na hindi pinababayaan ng Panginoon ang bawat isa lalo na ang mga naglilingkod sa kapakinabangan ng mamamayan.
Sinabi ng pari na ang pagdalaw ng poon ay paalala sa mga bombero na ipagkatiwala sa Panginoon ang kanilang mga sarili lalo na sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin.
“Magandang mensahe sa pagdalaw ng poon na kaming mga bombero ay ilagay namin ang aming mga sarili sa kamay ng Poong Hesus Nazareno sa gitna ng hirap na dinadanas ng ating bansa, sa paggawa at pagtupad namin sa tungkulin namin ang Mahal na Poong Hesus Nazareno ang magiging lakas namin; paalala sa amin na hindi kami iniiwan ng Diyos ituloy lang namin ang aming ginagawa,” pahayag ni Fr. Tapia sa panayam ng Radio Veritas.
Isa ang BFP Chaplaincy sa mga tanggapang bahagi ng ‘Dalaw Nazareno 2023’ kung saan inilibot ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church ang replica image ng poon sa mga simbahan at tanggapan sa Metro Manila at Luzon.
Ito ang inisyatibo ng basilica na sinimulan noong 2021 makaraang ipagpaliban ang nakagawiang Traslacion dahil sa COVID-19 pandemic.
Bagamat unti-unting ibinabalik ang ilan sa mga gawain sa kapistahan ng poon sa January 9 ay minarapat ng basilica na ipagpatuloy ang Dalaw Nazareno upang mabigyang pagkakataon ang mga deboto sa labas ng Manila na matunghayan ang Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Dumalo sa pagdalaw ng Poong Nazareno ang mga opisyal at kawani ng BFP gayundin ang mga deboto sa karatig tanggapan tulad ng Ombudsman.
Pinangunahan ni Fr. Tapia ang banal na misa sa St. Florian Chapel katuwang si Deputy Chaplain Fr. Gil Rochar Dulay.