1,696 total views
Tiniyak ng Bureau of Fire Protection Chaplain Service na tutukan ang spiritual programs sa hanay ng mga bumbero.
Sa panayam ng Radio Veritas kay BFP Chief Chaplain Fr. (F/SSupt) Randy Baluso, T’OCarm, hinimok nito ang kapwa bumbero na iwasan ang pagkakasala sa halip ay ituon ang sarili sa Panginoon sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan sa kapwa.
“One of my prayers especially this Lenten season and Holy Week is for us also to be spared from the fires of hell…Yes here we [BFP] are fighting fires, we are extinguishing fires but iba yung nasa kabilang fire na hindi natin mako-control ng kahit anong bagay na ginagamit natin dito sa lupa. Kaya sabi ko control your passion specially passion to sin because to commit sin will eventually lead to hell,” ayon kay Fr. Baluso.
Sinabi ng opisyal na bilang tagapamuno ng chaplain service ay pinaiigting nito ang pangagalaga sa espiritwalidad ng mga kawani ng BFP lalo na sa uri ng kanilang trabaho na labis ang pagkalantad sa panganib sa pagsasalba ng buhay at ari-arian ng mamamayan tuwing may sunog at iba pang kalamidad.
April 4 nang bumisita sa BFP National Headquarters sa Quezon City ang relic ni St. Therese of the Child Jesus na ayon kay Fr. Baluso malaki ang maiambag sa paghahanda ng mga bumbero sa mga Mahal na Araw sapagkat kaakibat ang pagbisita ng banal ang presensya ni Hesus na gumagabay sa mamamayan.
Tinukoy ng pari na makatutulong sa spiritual journey ng BFP si St. Therese upang pahalagahan ang tungkulin sa pamayanan at isagawa ito nang may pagmamalasakit sa kapwa at pag-ibig sa Panginoon.
“With the visit of St. Therese, we [BFP] are challenged not only to do things for the sake of doing it but in a manner that we will also say we transform of doing it with love,” ani Fr. Baluso.
Isang welcome rite ang inihandog ng BFP sa pagdalaw ng relikya sa pangunguna ni Fr. Baluso kasama si Post Chaplain Fr. (F/SInp) Raymond Tapia at iba pang opisyal ng ahensya.
Kasabay nito ang lenten recollection sa hanay ng BFP na pinangunahan ni Fr. Douglas Badong.
Ito ay bahagi ng 5th visit ng relic ni St. Therese na nagsimula noong January 2 at magtatapos sa April 30.