2,045 total views
Nawa ay makasumpong ng kagalingan ang mga may karamdaman ng pamamagitan ng Mahal na Birhen ng Lourdes.
Ito ang mensahe ni Fr. (FSInp) Raymond Tapia-Post Chaplain Bureau of Fire Protection sa pagdalaw ng imahe ng Mahal na Birhen ng Lourdes sa BFP National Headquarters sa Quezon City.
Ang pagbisita ay bilang bahagi ng pagdiriwang kapistahan ng Our Lady of Perpetual Help.
Sinabi ni Fr. Tapia na sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap ng mga kawani ng BFP lalo na sa pagtupad ng tungkuling nangangalaga sa ari-arian at buhay ng mamamayan ay maranasan ng bawat isa ang kalakasan at paghihilom.
“Ang pagdalaw ng Mahal na Birhen ng Lourdes dito sa BFP ay isang pagpapala ng Diyos, sa aming mga tagapamatay sunog lalo na ang mga nasa field na kadalasang nakararanas ng sakit hindi lang naman physical wounds but also psychological and spiritual,” pahayag ni Fr. Tapia sa Radio Veritas.
Binigyang diin ng opisyal na sa pagdalaw ng Mahal na Ina ay ipinagkaloob ng Panginoon ang pagpapala at kagalingang ninanais ng mga may karamdaman.
Pinangunahan ni Fr. Tapia ang Banal na Misa sa pagtanggap ng imahe kung saan dumalo ang mga opisyal at kawani ng BFP kasabay ng pagkakataong makapiling ang relikya ni St. Bernadette Soubirous ang santong pinagpakitaan ng Mahal na Birhen sa Lourdes, France.
Naniniwala si Fr. Tapia na sa tulong ng mga panalangin ng Mahal na Ina ay magabayan ang bawat isa tungo sa landas ni Hesus at higit mapag-alab ang damdamin ng mga pinanghihinaan.
“Sa pagdalaw ng Mahal na Birhen tayo ay binibigyan ng Diyos ng kagalingan sapagkat akoy naniniwala sa milagro sa pamamagitan ng mga panalangin ng Mahal na Ina kaming mga taga BFP ay makararanas ng kabaitan at pagmamahal ng Dyos kagalingan sa mga may karamdaman at higit sa lahat sa mga taong nanghihina ang pananamapalataya ay lumago sa tulong ng Mahal na Birhen,” saad ng opisyal.
Ito ay bahagi ng inisyatibo ng chaplain service sa pagpapalakas ng espiritwalidad ng mga kawani ng BFP na naglilingkod sa mga pamayanan.