721 total views
Pinaalalahanan ng Bureau of Fire Protection ang mamamayan na iwasan ang paggamit ng paputok sa bagong taon upang maiwasan ang sakuna tulad ng sunog.
Sa panayam ng Veritas Pilipinas kay BFP Spokesperson Supt. Annalee Carbajal- Atienza, ibinahagi nitong puspusan na ang BFP sa pagsasagawa ng awareness campaign laban sa masamang idudulot ng paputok.
“Nagsimula noong December 9 ang ating ‘Oplan Paalala Iwas Paputok’ para ipalaganap ang awareness at ma-prevent po talaga ang incidence ng firecrackers related,” bahagi ng pahayag ni Atienza sa Radio Veritas.
Ayon pa sa opisyal na naglunsad ng iba’t ibang programa at hakbang ang mga kawani ng BFP sa buong bansa upang mapalawak ang kampanya lalo’t ilang araw na lang ay sasalubungin na ang bagong taon.
Ilan sa hakbang ng BFP ang pagpapakalat ng awareness sa mga establisimiyento, ang social media awareness campaign at maging ang paglilibot ng mga firetrucks sa komunidad upang paalalahanan ang mamamayan na iwasan ang paputok sa bagong taon.
Nilinaw naman ni Atienza na hindi inaalisan ng hanapbuhay ang mga pamilyang gumagawa at nagbebenta ng paputok partikular sa Bocaue, Bulacan kundi tinutulungan ng ahensya ang mga negosyanteng matiyak na ligtas ang kanilang lugar mula sa panganib ng pagkasunog.
“Definitely hindi naman sa tanggalan sila ng hanapbuhay ang atin po ay closed monitoring talaga assurance na wala talagang mangyayari by simply advising them or supervising sa pag set-up ng tindahan; pagkakaroon ng standby firefighting appliance tulad ng fire extinguisher,” ani Atienza.
Binigyang diin ng opisyal na mahalaga ang mga firefighting equipment upang agarang maapula lung sakaling may insidente ng pagkasunog sa mga tindahan.
Umaasa ang pamunuan ng BFP na manatiling zero case ng sunog kaugnay sa paputok ang pagsalubong ng 2022 katulad noong sinalubong ang 2021.