335 total views
Homiliya para sa Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay, 23 Abril 2023, Luk 24:13-35
Ang Gospel reading natin ngayon ay magandang pagkuhanan ng inspirasyon lalo na ng mga Katolikong sumisiryoso na sa pagbabasa ng Bible. Nagpakita daw si Hesus sa dalawang alagad na patungong Emmaus. Pinaliwanagan daw sila ng mga bagay na may kinalaman sa mga nangyari kay Hesus ayon sa Banal na Kasulatan. In short, nag-Bible study sila. At mukhang feeling bitin pa sila kaya niyaya pa siya na samahan daw sila sa hapunan para daw maituloy pa nila ang bible study. Hindi nila alam na ang ka-bible study nila ay si Hesus na pala mismo!
Kababalik ko pa lang kanina galing sa Argentina para sa plenary assembly ng CBF (Catholic Biblical Federation). Galing kami sa iba’t ibang mga bansa ng Africa, Asia, Latin America, Europa, Oceania at Middle East. Ang topic namin ay “Ang Salita ng Diyos bilang Regalo ng Buhay sa Marupok na Daigdig.” (Tatlong anyo ng karupukan: karupukan ng iisang daigdig na tahanan natin,karupukan ng mga lipunan ng mga tao na kayang bulabugin ng isang virus, at karupukan din ng simbahan kung saan magkahalo ang kabanalan at kasalanan, ang pagiging totoo at pagiging ipokrito.)
Ang paulit-ulit kong narinig na hangarin ay “animation of all pastoral work with the Word of God.” Na ang bawat Katoliko ay masanay at matutong humugot ng liwanag at inspirasyon mula sa Bibliya para sa lahat ng gawaing pastoral ng simbahan, liwanag para sa ating misyon sa daigdig. Katulad ng itinuro ng Panginoong muling nabuhay sa dalawang alagad na tumiwalag, nag-iba ng lakad at tumatakas patungong Emmaus.
Medyo palabiro ang dating ng Panginoon sa ating pagbasa. Sumabat sa usapan, sumabay sa lakad ng dalawa at nakipagkwentuhan. Kinwentuhan nila siya tungkol sa akala nila’y nabigong misyon ni Hesus na nasintensyahan ng parusang bitay sa krus, sa Jerusalem. Biro nyo—hindi nila alam na ang kinukuwentuhan nila tungkol sa mga nangyari kay Hesus ay si Hesus pala mismo? Talagang pag masyadong nadidiliman ang tao sa mga nangyayari sa buhay niya, hindi nila makikita kung paano gumagalaw ang Diyos sa buhay nila. Akala nila natapos ang lahat sa pagkamatay niya sa krus.
Ito naman talaga ang dahilan kung bakit linggo-linggo, binabasa natin ang bibliya sa Misa para mahugutan ng liwanag sa pagharap natin sa maraming madidilim na karanasan sa buhay. Para matuto tayong magkwento nang tama—kuwentong may kuwenta, kuwentong may happy ending. Minsan kasi akala natin sa mga eksperto lang tayo pwedeng matutong magbasa ng bible; akala kasi natin kailangan nating magpakadalubhasa sa bible para ma-interpret natin nang tama ang mga binabasa natin. Hindi pala iyun ang importante. Ang iniinterpret pala natin ay hindi ang bibliya mismo kundi ang mga karanasan natin, ang mga pinagdadaanan natin. Ang inuunawa natin ay ang buhay sa liwanag ng salita ng Diyos.
Noong Year of Saint Paul, nag-save ng pera ang mga kasamahan ko sa isang bible study group para magpilgrimage sa Turkey at Greece. Nagkataon na Muslim ang tour guide namin kaya hindi siya gaanong pamilyar sa mga ancient biblical places na gusto naming dalawin. Mahusay siya tungkol sa history ng Hellenistic, Roman at Ottoman empires pero kakaunti ang alam tungkol sa mga early Christian communities na dinalaw ni St Paul sa Turkey na tinawag na Asia Minor, tulad ng Ephesus, Troas, Lystra, Miletus, Derbe, at Iconium at mga lugar sa Greece tulad ng Corinth at Thessalonica, na binabanggit sa book of the Acts of the Apostles.
Kaya dinadagdagan ko nang konti ang paliwanag kapag tungkol sa biblical history. Ok lang naman sa kanya, pagkatapos niyang magpaliwanag, tinatawag niya ako para basahin ang mga biblical passages na konektado sa mga dinadalaw namin at magbigay ng paliwanag.
Noong nasa Corinth kami, binasa ko ang 1Cor 13 tungkol sa love na madalas gamitin bilang pagbasa sa mga kasalan. Napansin ko na attentive siya; nagte-take note pa siya. Pagkatapos ng parte ko, lumapit siya at sabi niya—sino daw ang nagsulat ng binasa ko at saan matatagpuan ang libro nya?
Sabi ko, sa Bible, sacred book ng mga Kristiyano, kung paanong ang Koran ang sacred book ng mga Muslim. Sabi niya, hindi rin siya practicing Muslim, kaya walang ring gaanong alam sa religious literature. Dahil may dala akong extrang bible, niregalo ko na lang ang isa sa kanya. Ang saya-saya niya. Paki-markahan ko daw kung anong page yung binasa ko. Sabi ko, ang tinatandaan namin ay chapter at verse number. Kaya tinuruan kong maghanap ng chapter at verse.
Tinanong ko kung bakit interesado siya sa binasa ko sa 1Cor 13 tungkol sa pag-ibig. Sabi niya, kadidivorce lang nilang mag-asawa. Siya daw ang nasa isip niya habang binabasa ko yung parteng “love is patient, love is kind, love is not rude, not self-seeking, not arrogant…” Parang naisip daw niya—nawalan ng meaning ang buhay niya mula nang hiwalayan niya ang asawa niya. Pero ngayon, sa tingin niya hindi pa huli ang lahat. Pwede pa siyang bumawi, humingi ng tawad, kahit hindi sila magkabalikan. Pero ibig daw niya na magkabalikan sila at susundin ang payo ni San Pablo tungkol sa pag-ibig.
Ang tindi talaga ng dating ng salita ng Diyos. Sabi nga sa sulat sa mga Hebreo, “mas matalim daw ito sa isang itak na kabilaan ang talim, humihiwa sa kaluluwa at kalooban, kayang kilatisin at basahin ang nakatago sa puso.”