381 total views
Nilinaw ni Apostolic Vicariate of Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo na ang Bibliya ay ginagamit para pagbuklurin ang pamayanan.
Ito ang bahagi ng Liham Pastoral ng Obispo sa paggunita ng National Bible Month ngayong Enero.
Paliwanag ng opisyal na dapat hindi ginagamit ang Bibliya para magkawatak-watak ang lipunan bagkus gamitin ito upang ipahayag ang dakilang pag-ibig ng Panginoon sa sanlibutan.
“Hindi natin ginagamit ang Bibliya upang tuligsain at kalabanin natin ang iba. Ang totoong paggamit ng Bible ay nagdadala ng pagkakaisa ng mga Kristiyano, at ibig ni Jesus na magkaisa ang lahat ng kumikilala sa kanya bilang Panginoon,” bahagi ng mensahe ni Bishop Pabillo.
Hinimok ng Obispo ang bawat isa na matutuhang magbasa ng Bibliya dahil ito ang pamamaraan na malaman ang salita ng Panginoon.
“Ang Bibliya ang katangi-tanging paraan na dumadating sa atin ang Salita ng Diyos, kaya kailangan nating pahalagahan ang Banal na Kasulatan,” dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Binigyang-diin ng opisyal na ang Bibliya ay ginagabayan ng Espiritu Santo na may kapangyarihan ng pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya’t dapat na maging bunga sa pagbabasa ng Banal na Kasulatan ay pag-ibig at pagkakaisa.
Umaasa rin si Bishop Pabillo na magkaroon ng Bibliya ang bawat tahanan kasabay ng panawagang bigyang pahalaga at malawak na pang-unawa ang pagbabasa sa mga salita ng Diyos upang maibahagi sa sambayanan.
Aniya, sa pamamagitan ng Bibliya ay natuturuan din ang mananampalataya na magdasal sapagkat dito nagsasalita ang Diyos sa tao.
Matatandaang 2017 sa bisa ng Proclamation no. 124 ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017 itinalaga ang buwan ng Enero bilang National Bible Month habang ang huling linggo ng buwan ay National Bible Week.
Setyembre 2019 naman sa Liham Apostoliko ni Pope Francis na ‘Aperuit Illis’ sa paggunita ng ika-1600 anibersaryo ng kamatayan ni St. Jerome ang dakilang mag-aaral ng Bibliya itinalaga nitoa ng ikatlong Linggo ng Karaniwang panahon bilang ‘Sunday of the Word of God’.