242 total views
Maaring magdulot ng malawak na problema sa lipunan ang pagbabalik ng death penalty dahil sa palpak na Justice System ng Pilipinas.
Ito ang pangamba ni Diocese of Caloocan Bishop Pablo Virgilio ‘Ambo’ David – Chairman ng CBCP Permanent Committee on Cultural Heritage of the Church sa pagpupumilit ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado sa pagbabalik ng capital punishment sa bansa.
Ayon sa Obispo, hindi makatarungan ang panukala lalo na para sa mga mahihirap na walang sapat na kaalaman at kakayahan upang maipagtanggol ang sarili sa hukuman.
“Kasi meron ngang problema talaga tayo sa ating justice system aminado tayo dun, kung may problema ang justice system tapos gagawin mo pang legal ang Death Penalty baka lalo tayong magkaroon ng malaking problema, ibig sabihin mas madali para sa mga dukha na mapatawan ng Death Penalty kasi walang pambayad ng abogado.” pahayag ni Bishop David sa Radio Veritas.
Una nang inihayag ng Amnesty International na nasa 140- mga bansa ang una ng nagbuwag sa kanilang parusang kamatayan dahil sa kabiguan nitong malutas ang kriminalidad.
Taong 2006 ng opisyal na lagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang pagbuwag sa Death Penalty sa bansa kung saan pinababa sa habang buhay na pagkakulong ang ipinataw sa may higit isang libong preso na may parusang kamatayan.
Bukod dito sa ilalim rin ng Arroyo Administration lumagda ang Pilipinas sa Second Optional Protocol to the International Covenant on Civil and Political Rights na nagbabawal sa mga kaisang bansa na muling ibalik ang Capital Punishment na Death Penalty.
Kaugnay nito, hinimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mamamayan na pagnilayan, magdasal at manindigan laban sa death penalty,ejk at abortion.
read: http://www.veritas846.ph/cardinal-tagle-umaapela-ng-panalangin-pagkilos-laban-sa-death-penalty/
Samantala nanawagan rin si Bishop David na siyang dating Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Biblical Apostolate sa ilang mga mambabatas na ginagamit ang Banal na Bibliya sa pagsusulong ng Death Penalty na ganap na unawain ang nilalaman nito sapagkat kasabay ng unti-unting pag-usbong ng kamalayan ng isang tao sa mabuting salita ng Diyos ay ang paglalim rin ng moralidad at kaalaman nito sa tama at mali.
“Para sa ating mga Kristiyano kailangan alam din nating basahin ang Bibliya, ibig sabihin unti-unti ang pag-usbong ng kamalayan ng tao, ng kanyang moralidad, ng kanyang kaalaman tungkol sa tama at mali…” panawagan ni Bishop David.