195 total views
Higit sa limang daan ng mga Pari mula sa Ecclesiastical Province ng Nueva Caceres ang nagtipon-tipon para sa 4-day Bicol Priest Congress na ginaganap sa Diocese ng Sorsogon.
Ayon kay Fr. Rex Paul Arjona, Social Action Center Director ng Diocese ng Legazpi, ito na ang ikatlong Bicol Priest Congress na ginaganap tuwing ika-11 taon.
Tema sa pagtitipon ang “The Bicol Priests: Responding to the challenges of the Ministry Today and Beyond” na layung paigtingin pa ang misyon ng paglilingkod sa komunidad.
“We gather here not for self referential o tingnan lang ang sarili o maging celebratory man lang. Opo, kasama ‘yun subalit nagkakatipon po kami dito para paigtingin ang misyon para lalung makatulong sa ating mga community,” ayon kay Fr. Arjona.
Ang Ecclesiastical Province ng Nueva Caceres ay binubuo ng Archdiocese ng Caceres at mga Diyosesis ng Legazpi, Sorsogon, Masbate, Virac, Daet at Libmanan.
Inaasahang magiging bunga ng Kongreso ang pagbuo ng Bicol Regional Pastoral Conference para sa higit pang pagtutulungan ng bawat Diyosesis at Religious community sa Bicol Region.
Kasama din dito ang pagtatatag ng Regional Priest Security System bilang karagdagang benepisyo sa mga Pari, at ‘Road Map’ sa on-going formation ng mga Pari sa Bicol kasabay na rin ng pagdiriwang ng Simbahan sa Pilipinas ng Year of the Clergy and Consecrated Persons.
Bukas araw ng Huwebes, magtatapos ang pagtitipon kung saan pangungunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia ang misa.
Naging panauhin din sa Bicol Priest Congres 3 sina Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle at San Pablo Bishop Buenaventura Famadico ang Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on the Clergy.