2,221 total views
Tinutulan ng social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang planong “big brother-small brother” strategy ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa sektor ng pagmimina sa bansa.
Ayon kay Caritas Philippines president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang plano ng DENR ay pansamantalang solusyon lamang at hindi ganap na matutugunan ang pinagmumulan ng mga suliranin tungkol sa pagmimina sa Pilipinas.
“Large mining companies are motivated by profit, and they will only be willing to help small-scale miners for as long as it is profitable for them to do so. Once the profits start to dry up, they will likely abandon the small-scale miners, leaving them in a worse position than they were before,” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Naunang inilarawan ni DENR Secretary Tony Yulo-Loyzaga na ang binabalak ng ahensya ay makakatulong upang mapalakas ang mga small-scale miners at mapahusay ang katatagan ng mining communities.
Bagay na kinontra ni Bishop Bagaforo dahil mabibigyan pa lalo ng pagkakataon ang mga malalaking kumpanya na ipagpatuloy ang mining operations sa bansa habang patuloy na naghihirap ang mga apektadong pamayanan.
“The big players will continue to extract resources from the communities without giving anything back in return,” ayon sa Obispo.
Iminungkahi naman ng Obispo na sa halip na ipatupad ang “big brother-small brother” strategy, makabubuting suportahan na lamang ng DENR ang pagpapatupad ng mining moratorium sa bansa; at pagsasabatas sa Alternative Minerals Bill na magsusulong para sa ‘sustainable use of mineral resources’.
Gayundin ang pagsasabatas sa Rights of Nature Bill na mas magbibigay ng pagkakataon upang kilalanin ang karapatan ng kalikasan at ecosystem ng bansa.
“We believe that these measures are necessary to protect the environment and the people from the destructive effects of mining,” saad ni Bishop Bagaforo.
Naunang kinundena ni Balanga Bishop Ruperto Santos ang plano ng DENR
Read: https://www.veritasph.net/big-brother-small-brother-strategy-ng-denr-kinundena-ng-obispo-ng-bataan/
Napag-alaman sa ulat ng Mining Industry Coordinationg Council na ang sektor ng pagmimina at quarrying ay nag-aambag lamang ng isang porsyento sa Gross Domestic Product ng bansa.
Sa kasalukuyan, nasa 44 ang bilang ng mining company sa Pilipinas kung saan 37 rito ang nagsasagawa ng operasyon.