300 total views
Kapanalig, napakahalaga ng bigas sa ating bayan. Hindi lamang ito food staple ng Pilipinas. Ito rin ay nagbibigay trabaho sa maraming mga magsasaka sa ating bayan. Ito rin ay negosyo o kabuhayan ng marami nating mga kababayan.
Ang FAO ay nagsasabi na kailangan natin mas ma-a-appreciate ang rice industry. Isa itong sangkap ng food security. Ayon sa isang pag-aaral nito, malaki ang epekto ng polisiya sa kaunlaran ng industriya ng bigas. Halimbawa, kung mas nais ng isang pamahalaan na mag-import na lamang ng mas murang bigas sa ibang bansa, maaring mapabayaan ang local rice industry. Kapanalig, dito nga sa atin, kapag farmer o magsasaka, kaagad, naiisip natin na maralita na. Mas lumiliit na kasi ang kita nila dahil sa maraming mga salik o factors, gaya ng climate change, lupa, kawalan ng gamit at teknolohiya, kasama na rin ang heavy importation ng bigas.
Hindi kailangan maging mahirap lagi ang magsasaka, kapanalig. Ang PhilRice Institute ay may proyekto na naglalayon na magkaroon ng rural transformation. Ito ay ang “Gusto Namin Milyonaryo Kayo.” Ayon nga sa PhilRice, base sa ating poverty incidence, 3 sa 4 na maralitang Filipino ay nakatira sa mga rural, farming areas. Ang karaniwang sakahan ay kumikita ng PhP50,000 kada taon mula sa bigas, at ito ay malayo sa ating poverty threshold. Sa pamamagitan ng “Gusto Namin Milyonaryo Kayo,” na may community-based agribusiness approach, nais ng PhilRice na tulungan ang mga magsasaka na mabago ang kanilang buhay. Pag nagawa nila ito, maaring kumita ng isang milyong piso ang kada hektarya ng lupa, kada taon.
Kaya lamang, kapanalig, ang mga proyektong gaya nito ay kulang sa suporta. Sana dito ibuhos ng ating pamahalaan ang malaking bulko ng ating mga resources, hindi sa mga kampanya na naglunlunsad ng kamatayan o alitan. Kung matutulungan natin maka-ahon ang ating rural poor, unti unti ring lalaganap ang kapayapaan. Kahirapan, kapanalig, ang ating pangunahing problema.
Ang Rural Transformation Movement (RTM) na ito ay may pruweba na ng tagumpay. Noong 2014, aktibo ang proyektong ito. May mga kababayan na na tayo nakapag-diversify na ng mga pananim at kumita na. Sa Don Salvador Benedicto, Negros Occidental, ang mga magsasaka ay nakabili ng tricycle, rotavator, motorsiklo at nakapagbayad na ng mga utang. Ang kanilang pananim ay hindi lamang naging pang-kain, kapanalig. Ginawa na rin nila ito na herbal tea at sabon.
Kailangan nating suportahan ang ganitong mga proyekto kapanalig. Isipin niyo na lang, kung kasing laki ng kampanya laban sa droga ang kampanya para sa rural transformation, mas maraming mga Pilipino ang masaya, buhay at malusog. Kailangan din kapanalig, pinipili natin ang ating mga prayoridad. Hindi lahat ng popular o sikat na opinion o gawain ay tama. Ang gawain ng rural transformation kapanalig, hindi sikat o “in.” Pero ito ay tama, dahil ito ay pagmamahal hindi lamang sa maralita, kundi sa ating bansa. Kapanalig, ito naman ang pasikatin natin o gawing viral. Gawin nating inspirasyon ang mga kataga mula sa Centesimus Annus: Love for others, and especially for the poor, is made concrete by promoting justice.