306 total views
Bigyang inspirasyon at mabuting halimbawa ang mga kabataan para mahimok na pumasok sa bokasyon ng pagpapari.
Ito ang panawagan ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Mission kaugnay na rin sa nalalapit na pagdiriwang ng simbahan ng ‘Year of the Clergy and the Religious’.
“We will pray for more vocations. Because vocation is a gift from the Lord. And the most important thing is inspire our youth. There is a youth assembly there in Zamboanga. I hope that they will inspire more boys and girls to enter in religious life. Boys to enter in the priesthood,” ayon kay Bishop Bastes.
Base sa ulat, bumaba ang bilang ng mga pumapasok ng bokasyon ng pagpapari at pagmamadre partikular sa Europa, bagama’t nanatiling masigla sa bahagi naman ng Africa at Asya.
Sa Pilipinas, base sa 2013 survey may higit sa 9,000 ang mga pari para mangasiwa sa 86 percent ng mga katoliko sa kabuuang 100-milyong populasyon ng bansa.
Ang nasabing bilang ng pari ay mababa pa rin lalu’t ang ratio ay umaabot sa isang pari sa bawat 8,000 katoliko na dapat sana ay isang pari sa bawat 2,000 mananampalataya.
Binigyan diin naman ng Obispo na sa kanilang diyosesis ay hindi problema ang bokasyon bagkus ay nakatakda pa silang magdagdag ng mga seminaryo para sa mga seminaristang nais na pumasok bilang mga pari.
Sa kasalukuyan, inihayag ni Bishop Bastes na mayroon silang 100 minor seminarians; 38 seminarians in trustee, at 30 seminarians sa theology.
Ang Bacacay, Albay sa Bicol ang may pinakamaraming pari na umaabot sa 100.
Kabilang sa mga pari na tubong Bacacay ay si Fr. Roy Bellen, ang Vice President for Operations ng Radio Veritas.
Una na ring inihayag ng Santo Papa Francisco ang pagsusulong ng vocational culture para sa mga kabataan na tumimo ang pakikiisa sa pangangalaga ng buhay at ang paglilingkod sa simbahan ng may kasiyahan.