172 total views
Ito ang misyon ng Duyog Marawi na inspirasyon ng Encyclical ni Pope John the 23rd noong 1963 na Pacem in Terris on Establishing Universal Peace in Truth, Justice, Charity and Liberty.
Ayon kay Bro. Reynaldo Barrido, Lay Coordinator ng Duyog Marawi, bahagi ng kanilang mga programa ay ang pagbibigay ayuda sa mga Internally Displaced Person (IDP) na nawalan ng tahanan dahil sa naganap na digmaan sa Marawi.
Sinabi ni Barrido na bukod sa pagtulong sa rehabilitasyon ng mga kuminidad ay nakapagkaloob na rin ang Duyog Marawi katuwang ang Caritas Manila at Caritas Philippines ng mga matutuluyan o tahanan sa mga biktima ng limang buwang digmaan.
“On-going pa rin yung aming assistance for marginalize na mga IDPs, for a long time naman ang Duyog has been focusing talaga on vulnerable families, yung galing sa ground zero na walang capacity to rent a house or own, so nandun pa rin kami in terms of rehabilitation we have begun providing shelter, nagpatayo na kami ng bahay responded by both Caritas Manila and Caritas Philippines…” pahayag ni Barrido sa panayam sa Radyo Veritas.
Bukod dito, inihayag rin ni Barrido na tinututukan rin sa ngayon ng Duyog Marawi ang pagkakaloob ng livelihood assistance sa may 4,120 pamilya.
Katuwang ang Catholic Relief Services ay nagkaloob ng puhunan ang Duyog Marawi upang makapagsimula ng sariling negosyo at hindi na umasa pa sa relief na ipagkakaloob ng pamahalaan ang Marawi bakwits.
Nasasaad rin sa Encyclical na Pacem in Terris na karapatan ng mga kabataan ang makapag-aral sa kabila na kahit anong sitwasyon na nagaganap sa lipunan.
Dahil dito, bahagi rin ng kasalukuyang programa ng Duyog Marawi na Protection and Children Education sa Marawi City ay ang pagbibigay ng Alternative Learning System sa mga out-of-school-youth na mga Maranao na naapektuhan ng kaguluhan sa pakikipagtulungan ng De La Salle Philippines at Arnold Janssen Catholic Mission Foundation.
Ayon kay Barrido, ang pagbubukas ng 5 ‘School of Hope’ ay naglalayong mailayo ang mga out-of-school-youth sa posibilidad na mahikayat ng mga ISIS inspired rebel groups sa Mindanao sa kanilang adhikain.
“Ang Duyog merong isang project na ‘School of Hope’ nag-open kami ng mga Eskwelahan para sa mga out-of-school-youth para hindi sila maging vulnerable sa ISIS recruitment, ito naman ay in partnership with De La Salle School Philippines at Arnold Janssen (Catholic Mission) Foundation, so meron tayong target na 5 Schools of Hope, naka-open na tayo ng 2 and then merong 3 i-open this weekend but the target is to accommodate 1,000 out-of-school Maranao youth para mapaaral sila in Alternative Learning System, isa din yan sa ating peace building effort…” Pagbabahagi ni Barrido.
Batay sa tala ng United Nations’ Office for the Coordination of Humanitarian Affairs matapos ang mahigit 5-buwang sagupaan, umaabot sa mahigit 100-libong kabataan ang hindi na muling nakabalik sa pag-aaral dahil sa pagkasira ng maraming paaralan sa Marawi na kinabibilangan ng 69-pampublikong paaralan.
Ayon naman sa datos ng United Nations Refugee Agency, umaabot sa 98-porsyento o mahigit sa 300,000 ng kabuuang populasyon ng Marawi ang napilitang lumikas sa siyudad dahil sa naganap na labanan ng puwersa ng pamahalaan at ng ISIS-inspired Maute group.