334 total views
Palaging isaalang-alang ang pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.
Ito ang mensahe ni Living Laudato Si – Philippines Executive Director Rodne Galicha bilang paanyaya sa lahat na makiisa sa Earth Hour 2021 na gaganapin sa Marso 27.
Ayon kay Galicha, sa bawat pagkilos, salita at desisyon na ginagawa ng tao araw-araw ay dapat na palaging isaalang-alang ang pangangalaga sa kalikasan na handog ng Diyos sa sangkatauhan.
“In every action that we do, in every word that we say and in every plan that we do, dapat naandyan lagi ang pangangalaga sa kalikasan,” bahagi ng mensahe ni Galicha sa panayam ng Radio Veritas.
Ipinaliwanag nito na hindi lamang sa loob ng isang oras dapat bigyan ng pahinga ang mundo kundi dapat ito ay gawin oras-oras bilang pagpapakita ng patuloy na pakikipag-ugnayan at pagmamalasakit sa ating nag-iisang tahanan.
“Earth Hour is not only for 1 hour. It should be every second and every breath that we take,” ayon kay Galicha.
Tema ng Earth Hour 2021 ang Speak Up For Nature na hinihikayat ang mamamayan na ipahayag at ipagtanggol ang karapatan ng kalikasan upang ipabatid sa bawat pinuno ng mga bansa ang pangangalaga at pagpapahalaga na matagal nang hinaing ng ating nag-iisang tahanan.
Ipagdiriwang sa Marso 27 ang ika-14 na taon ng Earth Hour sa iba’t-ibang bahagi ng bansa at mundo kung saan sa ganap na alas-8:30 ng gabi ay gagawin ang pagpapatay ng mga ilaw sa loob ng isang oras.
Taong 2007 nang unang isagawa ang programa sa Sydney, Australia, at 2008 nang ilunsad naman ito sa Pilipinas.