191 total views
Kinondena ng Diocese of Marbel, South Cotabato ang hindi makataong pagbuwag ng pulisya sa kilos-protesta ng mga magsasaka sa Kidapawan, North Cotabato noong unang araw ng Abril.
Ayon kay Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez, tulad nang sinabi ng Panginoon, dapat ay bigyan ng makakain ang mga nagugutom at painumin ang nauuhaw.
Giit pa ng Obispo, ang pamahalaan ang siyang dapat na nangunguna sa pagtataguyod ng kabutihan ng nakararami, subalit taliwas ang ipinakita nito sa mga nagdaang taon ng panunungkulan sa taumbayan.
“Feed the Hungry sabi ng Panginoon. Itong mga government officials they are supposed to promote common good? And one of the good is food, so kailangan ng gobyerno bigyan sila ng pagkain hindi bala, besides another role is stewardship, yung mga resources ng gobyerno, para sa taumbayan yan, you give them to the needy. If you are a good shepherd, you feed your sheep.” Pahayag ni Bp. Gutierrez sa Radyo Veritas.
Ipinaliwanag naman ni Bp. Gutierrez, na pangmatagalang solusyon ang kinakailangan para sa El Niño na siyang ugat ng suliranin ng mga magsasaka.
Ayon sa Obispo, habang pinag-aaralan pa ang mga hakbang upang mapagaan ang epekto ng Climate Change sa mga mahihirap dapat munang unahin na pakainin ang mga nagugutom.
Magugunitang noong 1997 at 1998, nakaranas din ang Pilipinas ng matinding tagtuyot na nakaapekto sa 68% bahagi ng bansa.
Nito namang Mayo 2014, muling nabatid ng PAGASA ang paparating na matinding tagtuyot sa bansa subalit hindi ito napaghandaan ng pamahalaan.
Sa pagsisiyasat ng Food and Agriculture Organization noong Disyembre ng nakaraang taon, umabot sa 12-milyong Filipino na umaasa sa agrikultura ang lubhang maapektuhan ng tagtuyot ngayong 2016.