217 total views
Ang bawat isa ay nagkakasala at nagkukulang ngunit ang pinakamahalaga ay ang pagtatama sa pagkakamali at ang pagbabagong buhay mula sa mga kasalanan.
Ito ang ibinahagi ni Rev. Fr. Edu Gariguez, Executive Secretary ng CBCP NASSA / Caritas Philippines kaugnay sa patuloy na mga kaso ng pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa kalakalan ng illegal na gamot at iba pang krimen sa lipunan.
Paliwanag ng Pari, ang kahalagahan ng buhay ang isa sa pinakamahalagang paninindigan ng Simbahang Katolika.
“Yung buhay mahalaga at isa yun sa mga mahalagang paninindigan ng ating pananampalataya, ang makasalanan binibigyan ng pagkakataong magbagong buhay hindi siya pinapatay. Sino ba naman ang magsasabing malinis at walang kasalanan, lahat tayo nagkukulang pero mahalaga na ito ay tugunan ayon sa kalooban ng Panginoon na bigyang pagkakataon na magbagong buhay, huwag papatayin…”pahayag ni Father Gariguez sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, patuloy na iniimbestigahan ang kaso ng pagkamatay ng 19-taong gulang na si Carl Angelo Arnaiz na pinaghinalaang holdaper at kasamang 14-taong gulang na si Reynaldo de Guzman na natagpuan ang bangkay sa Gapan, Nueva Ecija.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na kapwa nagtamo ng mga pagpapahirap at pang-aabuso ang katawan ng dalawang biktima.
Una nang binigyang diin ni Fr. Gariguez na hindi nais ng Simbahan na iwanan ng pamahalaan ang laban nito sa illegal na droga sa halip ay dapat magpatupad ng makataong pamamaraan at isailalim sa rehabilitasyon ang mga lulong sa ipinagbabawal na gamut.
Samantala nagpahayag na rin ng pangamba si incoming CBCP Vice President Caloocan Bishop Pablo Virgilio David kaugnay sa patuloy na mga kaso ng pagpatay lalo na sa mga kabataan sa war on drugs ng pamahalaan.
Ayon sa Obispo, nangangailangan na ng seryosong pagsusuri ang kasalukuyang polisiya ng pamahalaan sa kampanya nito laban sa ilegal na droga kung saan napakarami ng mga namatay na inosenteng sibilyan.