961 total views
Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ng pakikiisa para sa nakatakdang Earth Hour sa ika-27 ng Marso, 2021.
Ayon kay CBCP Vice President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David napakaganda ng layunin ng taunang Earth Hour na pagkakaisa ng lahat upang bigyang halaga ang sanilikha na biyaya ng Panginoon sa sangkatauhan.
Paliwanag ng Obispo, ang pakikibahagi sa Earth Hour ay isa ring makahulugang pagpapamalas ng pakikiisa at pagmamalasakit sa kalikasan sa pamamagitan ng pagbibigay ng sandaling pagkakataon upang makapagpahinga.
“Please let us cooperate kasi napakagandang adhikain nito at ang Earth Hour ay pinasimulan yan ng World Wildlife Fund at naging isa sa pinakamalaking parang confederation of all ecological movements in the world. Symbolic yung Earth Hour, ang pakikiisa mo is already a sign na meron kang malasakit para sa ating kalikasan.” Ang bahagi ng pahayag ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa kanyang pastoral visit on-air sa Radio Veritas.
Giit ng Obispo, nag-iisa lamang ang daigdig kaya’t marapat lamang na pangalagaan ito ng bawat isa para na rin sa kinabukasan ng susunod pang henerasyon.
Pagbabahagi ni Bishop David, ang pagsasawalang bahala at pagwasak sa nag-iisang tahanan na ipinagkaloob ng Panginoon ay nangangahulugan rin ng pagwasak sa kinabukasan ng sangkatauhan.
“Walang Planet B, isa lang yung planeta so far na nakitain natin ng buhay tapos sisirain pa natin, para bang now we are realizing, napakadali para sa tao na wasakin ang kanyang tahanan at kapag winasak natin itong nag-iisang tahanan natin, anong winawasak natin, sarili natin kinabukasan natin. Gusto ba natin ang mga future generation they will back and blame us na dahil sa kapabayaan natin at kawalan natin ng malasakit ay winasak natin ang ating tahanan.” Dagdag pa ni Bishop David.
Ayon kay Bishop David, sa simpleng paraan ng pagpatay sa mga ilaw at mga kagamitang gumagamit ng enerhiya partikular na ng kuryente sa loob ng isang oras ay makatutulong na ang bawat isa upang mabigyan ng pagkakataon ang inang kalikasan na saglit na makapagpahinga.
Nakatakda sa ika-27 ng Marso, 2021 ang Earth Hour ngayon taon kung saan inaanyayahan ang lahat na makibahagi sa makahulugang pagpapatay ng mga ilaw sa loob ng isang oras mula alas-otso y medya ng gabi.
“Ano yung gagawin, yun lang at 8:30 in the evening of this coming Saturday, March 27 patayin yung mga pwedeng patayin na mga kuryente, na gumagamit ng kuryente lalong lalo na ang mga ilaw isang oras lang naman. Parang yung 1 hour na yun makikipagbonding ka with rest of the people around the world who would like to do this symbolically as an expression nung ating malasakit para sa ating kalikasan.” Paanyaya ni Bishop David.
Taong 2007 nang sinimulan ng World Wildlife Fund ang inisyatibo ng Earth Hour sa Sydney, Australia kung saan taong 2008 ng makiisa ang Pilipinas sa programa bilang pakikiisa sa panawagan ng pangangalaga sa kalikasan