288 total views
Bawat isa ay may bahagi sa pagpapalaganap ng mabuting balita ni Kristo.
Ito ang mensahe ng pagdiriwang ng simbahan sa ‘Year of the Clergy and Consecrated Persons: Renewed Servants for the New Evangelization’ ayon kay Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud,chairman ng CBCP Episcopal Commission on Biblical Apostolate.
Ipinaliwanag ng Obispo na ang taong ito ay hindi lamang para sa mga pari at relihiyoso kundi maging sa lahat ng mga tao na nagtalaga ng kanilang sarili sa Panginoon.
“Itong tema na ito, kung makakatulong sa sambayanan ng Diyos na mapagnilayan nating mabuti at upang ang biyaya ng pananampalataya ay magiging ganap para sa ating pagsusumikap na mabigyang buhay kahulugan ang pagiging alagad ng Diyos,” paliwanag ni Bishop Bancud.
Giit ng Obispo, walang nagbago sa panawagan kundi ang pagpapaalala lamang ng simbahan na tupdin ang biyaya bilang mga alagad ng Diyos at mapatingkad ang pang-unawa sa mabuting balita.
“Ang mga pari, relihiyoso at relihiyosa at mga layko na consecrated sa kanilang buhay ay maging instrumento ng Diyos upang sa gayun tayong lahat ay ating mapanatili ang buong tunay na pagkakaisa sa buong simbahan at tungo sa ikapapalaganap ng mabuting balita ng ating Panginoon,” dagdag pa ni Bishop Bancud.
Sa tala ng Catholic Directory, ang Pilipinas ay Sa tala ng 2015 Catholic directory ang Pilipinas ay may 10,707 diocesan at religious priest, habang umaabot din sa 19,000 ang mga religious at consecrated persons.
Una na ring inilunsad ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang siyam na taong paghahanda ng simbahan sa Pilipinas para sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa bansa na ang layunin ay mapag-ibayo ang ating pananampalataya.