257 total views
Pinangunahan ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo-chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on the Laity (CBCP-ECL) ang misa para sa pandaigdigang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church.
Ayon kay Bishop Pabillo ang trabaho ay hindi dapat tingnan lamang bilang isang ‘economic activity’ kundi bigyang pagpapahalaga ang mga manggagawa na siyang susi ng pag-unlad ng ekonomiya ng bawat kompanya at ng bansa.
Dahil ang pagtatrabaho ay dangal ng bawat tao kaya’t hindi lamang mahalaga ang trabaho kundi ang pagkakaroon makatao at sapat na sahod sa kanilang paggawa.
“Bigyan dapat ng living wage, hindi lang sapat na sahod at kailangan din ng trabahong pangmatagalan- security of tenure. Kasi hindi tama ang ‘endo’, hindi tama na contractual lang. kailangan regular na trabaho at ‘yan ang malaking pagkukulang sa ating kalagayan. Ang mga manggagawang bukid natin ay walang security of tenure dahil marami sa kanila ang walang sariling lupa. Hindi napapatupad ang agrarian reform,” ayon sa pagninilay ni Bishop Pabillo.
Kasabay na rin ng pagdiriwang ng ‘Labor Day’ nilagdaan naman ng Pangulong Rodrigo Duterte ang executive order na nagbabawal sa illegal contracting sa isang pulong na ginanap sa Cebu City.
Inamin naman ng pangulo na hindi sapat ang EO dahil kailangan na rin muling tingnan ng kongreso ang sinasabi niyang ‘outdated labor code’.
Sa simbahan, ipinagdiriwang din ang ‘Araw ng Paggawa’ na ang patron ay si ‘San Jose Mangggawa’ na siyang nagtaguyod kina Maria at Hesus.
“Ang paggawa ‘it creates human communities’ nagkakaisa sila. So’yan din ang tungkulin ng manggagawa na sikapin na maayos ang kanyang trabaho at pakikisama sa kaniyang kapwa manggagawa. At ang paglilingkod niya sa lipunan. Sana makita ng mga manggagawa ang kaniyang trabaho ay hindi lamang sa kaniyang sarili ay para rin sa lipunan,” ayon sa pagninilay ng obispo.
Pagdidiin ng obispo bawat manggagawa ay dapat ding makiisa sa pagtataguyod ng kabutihan ng iba pang manggagagawa na nakakaranas ng pang-aabuso at hindi patas na sahod.
Base sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2017, higit sa 60 porsiyento ng kabuuang populasyon nasa edad 15 pataas ay kabilang sa labor force ng Pilipinas o 43.7 milyong katao.