371 total views
Umaasa ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na mas mabigyang pansin at malawak na pang-unawa ang mga may karamdaman sa lipunan.
Sa pagninilay ng cardinal sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes at pagdiriwang ng 30th World Day of the Sick, sinabi nitong ang karanasan ng pandemya tulad ng quarantine at isolation ay magdulot nawa ng mas malawak ng pag-unawa sa mga may karamdaman na higit nangangailangan ng pagkalinga.
“Our own experience of the pandemic, quarantine and isolation should make this easy to understand. We are thus prompted to be more sensitive and patient to and understanding of the sick among us and to extend to them a more comprehensive consideration and accompaniment,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Hinimok ng arsobispo ang mamamayan na tularan si Hesus na nilingap ang mga may sakit at ipadama ang tunay na diwa ng pag-ibig ng Ama para sa kalakasan at pag-asang gumaling sa karamdaman.
Binigyang diin ni Cardinal Advincula ang malaking tungkulin ng lipunan sa pag-aruga sa mga maysakit lalo na ang pinanghihinaan at nawawalan ng pag-asa.
“Second is the vital role of a caring and compassionate community in the healing process,” ani ng cardinal.
Kaisa si Cardinal Advincula sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco na bilang simbahan ay sama-samang tugunan ang pangangailangan ng mga may karamdaman at kapansanan sa pamayanan.
Ayon sa cardinal nanatiling aktibo at bukas ang simbahan sa mga kawanggawa lalo na sa mga maysakit at higit nangangailangan sa lipunan.
“To a global pandemic, a worldwide revolution of being of being who we truly are – images of the God of life and love can be the only appropriate response. It is consoling to realize that in our work for healing we too are healed,” dagdag ng cardinal.
Bukod sa mga may sakit kinilala at ipinanalangin din ng cardinal ang medical sector na nanguna sa paglutas sa COVID-19 sa kabila ng malaking hamon at banta sa sariling kalusugan.
Matatandaang sa mensahe ni Pope Francis nakiisa ito sa halos kalahating bilyong indibidwal na dinapuan ng COVID-19 sa buong mundo kung saan sa nasabing bilang tatlong milyon mula sa Pilipinas.
Tema sa pagdiriwang ngayong taon ang ‘Be merciful even as your father is merciful’ na hango sa ebanghelyo ni San Lukas.
Pinasimulan ni Saint John Paul II ang World Day of the Sick noong 1992 upang himukin ang lipunan, mamamayan at catholic health institutions na kalingain ang mga may karamdaman.
Ginanap ang pagdiriwang ng Archdiocese of Manila sa pangunguna ng Ministry on Health sa National Shrine of St. Michael the Archangels sa Malacanan complex kasama ang mga deboto ng Mahal na Birhen ng Lourdes at ang Order of Malta Philippines.