230 total views
Mga Kapanalig, matapos na pormal na kanselahin ni Pangulong Duterte ang usapang pangkapayapaan sa mga rebeldeng komunista sa pamamagitan ng Proclamation 360, itinuturing na ngayon ng pamahalaan bilang mga teroristang grupo ang Communist Party of the Philippines at New People’s Army o CPP-NPA. Reaksyon din daw ito sa patuloy na pagpapalaganap ng lagim ng NPA, kabilang ang isang ambush sa Bukidnon noong Nobyembre kung saan tatlong sibilyan (kabilang ang isang apat na buwang gulang na sanggol) ang namatay. Para siguro kay Pangulong Duterte, naghalo na ang balat sa tinalupan.
Sa pagtawag sa CPP-NPA bilang mga teroristang grupo, wala nang makapipigil sa pamahalaang gumamit ng mas matinding puwersang militar upang tugisin ang mga rebelde, gaya marahil ng ginawa nito sa pagtugis sa mga lider at miyembro ng Maute Group sa Marawi. Ipinag-utos din ni Pangulong Duterte ang malawakang pag-aresto sa mga pinuno at consultants ng CPP.
At lalo pang tumindi ang pangambang wala na talagang puwang ang pagbalik sa mapayapang pag-uusap nang barilin noong nakaraang Lunes si Fr. Marcelito “Tito” Paez ng Diyosesis ng San Jose sa Nueva Ecija. Coordinator ng Rural Missionaries of the Philippines o RMP sa Gitnang Luzon si Fr. Tito. Hindi pa kilala ang mga pumatay sa kanya, ngunit para sa grupong Karapatan, may kaugnayan ang pagpatay kay Fr. Tito sa pagtulong niya sa pagpapalaya sa isang political detainee na organisador ng mga magsasaka. Sa Oriental Mindoro naman, binaril din ang isang pastor ng Kings Glory Ministry na si Lovelito Quiñones, na iniuugnay ng militar sa NPA. Ayon sa kanyang pamilya, tinaniman daw ang crime scene ng kalibre .45 upang palabasing miyembro ng NPA ang pastor, ngunit nag-negatibo siya sa paraffin test. Bago ang pagpatay kina Fr Tito at Pastor Quiñones, 15 sibilyan, kabilang ang isang estudyante ng UP, ang napatay sa Nasugbu, Batangas, sa isang engkuwentro sa pagitan ng mga sundalo at mga miyembro ng NPA. Dagdag ang mga kasong ito sa mahigit 100 kaso ng political killings na naitala ng grupong Karapatan mula nang manungkulan si Pangulong Duterte. Patuloy ang pagdarasal nating umusad ang tunay, mabilis, at malayang imbestigasyon sa lahat ng kasong ito.
Masalimuot ang mahabang kasaysayan ng tunggalian sa pagitan ng pamahalaan at ng mga rebeldeng komunista sa Pilipinas. Kapwa sila nakagawa ng pinsala sa buhay ng tao at sa kaayusan ng mga pamayanan, at marapat lamang na papanagutin sila sa batas. Ngunit sa pagtatatak sa CPP-NPA bilang mga teroristang grupo, para bang sinulsulan pa ng pangulo ang rebeldeng grupo na iwan na nga ang usapang pangkapayapaan at paigtingin ang kanilang armadong pakikipaglaban. Tandaan nating ilang buwan bago ang krisis sa Marawi, hinamon din ni Pangulong Duterte ang Maute Group na pumasok sa lungsod, na ginawa naman ng grupo, at nakita na nga natin ang napakatinding pinsalang iniwan ng nangyaring giyera roon.
Sa araw na nilagdaan ni Pangulong Duterte ang proklamasyong nagturing sa CPP-NPA bilang mga terorista, kapayapaan sa kabila ng pagkakaiba-iba ang mensahe ng Unang Pagbasa mula sa Isaias 11: “Maninirahan ang asong-gubat sa piling ng kordero, mahihiga ang leopardo sa tabi ng batang kambing, magkasamang manginginain ang guya at ang batang leon, at ang mag-aalaga sa kanila’y isang batang paslit… Walang mananakit o mamiminsala sa nasasaklaw ng aking bundok na pinagpala; sapagkat ang buong mundo ay mapupuno ng mga taong kumikilala kay Yahweh.” Mangyari kaya ito sa ating bayan? Wala pong imposible, mga Kapanalig.
Ngayong panahon ng Adbiyento, habang sabik tayong naghihintay sa pagdating ni Hesus, ang Prinsipe ng Kapayapaan, isama natin sa ating mga dasal ang pamamayani ng tunay na kapayapaan sa ating bansa. Nawa’y maging mahinahon ang pamahalaan at ang mga rebelde, at bigyan nila ng pagkakataon ang kapayapaan.
Sumainyo ang katotohanan.