283 total views
Hinimok ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mananampalataya na bigyan ng kalinga ang kapwa lalu na ang mga dukha.
Ayon kay Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity kaugnay na rin sa pagdiriwang ng buong simbahan ng World Day of the Poor.
“Papahalagahan natin ang mga mahihirap sa pamamagitan ng ating panalangin. At sana ma-encounter natin sila. Ito ay pagbibigay ng pansin na ang mahihirap ay mga bahagi ng simbahan at ang ating paglilingkod sa mahihirap ay tanda ng ating pagse-serve para sa mabuting balita ni Kristo. Sapagkat Siya ay dumating upang bigyan ng halaga itong mahihirap at paglingkuran sila,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Una na ring idineklara ni Pope Francis ang taunang pagdiriwang ng Year of the Poor, ito ay itinakda araw ng Linggo bago ang kapistahan ng Christ the King.
Paliwanag ng obispo ang pagkalinga sa mga dukha ay pagbibigay ng pansin na sila rin ay bahagi ng simbahan, hindi lamang sa panalangin kundi ang pakikiramay sa kanilang abang kalagayan.
Sa pag-aaral na isinagawa ng Asian Development Bank (ADB) noong 2015, 21.6 porsiyento ng kabuuang 103 milyong populasyon ng Pilipinas ang nakapailalim National Poverty Line.