516 total views
Nananawagan si Prelature of Bontoc-Lagawe Bishop Valentin Dimoc na bigyang-pansin ang kalagayan ng mga katutubong naninirahan sa Sierra Madre.
Ito ang pahayag ni Bishop Dimoc, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Indigenous Peoples kasabay ng pagsusulong sa petisyong pangalagaan ang Sierra Madre laban sa mga mapaminsalang proyekto tulad ng Kaliwa Dam.
Ayon sa Obispo, hindi sapat ang petisyon lamang para sa pangangalaga sa bulubundukin at mga apektadong katutubo para tutulan at tuluyang mapigilan ang pagpinsala sa kalikasan.
Paliwanag ni Bishop Dimoc, kailangan ding magkaroon ng pisikal na gawain na mapagtutuunan ng pamahalaan partikular na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at National Commission for Indigenous Peoples (NCIP) ang karapatan ng mga katutubong naninirahan at nangangalaga sa Sierra Madre.
“They need warm bodies to march to DENR and to NCIP and demand for effective ways to protect rights of Dumagats-Remontados. Matagal na silang na-invade ng gobyerno (legal logging in 1970’s, and now, huge Kaliwa Dam) at outsiders (coconut, mango and cacao plantations). Protests in front of DENR and NCIP are needed,” pahayag ni Bishop Dimoc sa panayam ng Radio Veritas.
Katulad ng pang-aabusong nararanasan ng Sierra Madre sa mga malalaking kumpanya, nararanasan din ng mga katutubo ang pang-uusig at pagbabanta upang maisakatuparan ang mga mapaminsalang proyekto.
Tinatayang aabot sa higit 11,000 katutubo ang lubhang maaapektuhan at mawawalan ng tahanan kapag hindi tuluyang napigilan ang Kaliwa Dam Project at iba pang proyektong pumipinsala sa Sierra Madre.