515 total views
Ipagbunyi at kilalanin ang sakripisyo ng mga magulang at mga guro sa pagtatapos ng mga estudyante.
Ito ang mensahe ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari- Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education (CBCP-ECCE) para sa mga magtatapos na mag-aaral ngayong taon.
Ayon sa obispo, tulad ng mga estudyante na nagsikap sa kanilang pag-aaral dapat ding bigyang tuon ang naging bahagi ng mga magulang at mga guro na kaakibat para sa unti-unting pagkamit ng kanilang tagumpay sa buhay.
“Gusto kong bigyan ng espesyal na papuri ang ating mga teachers at mga magulang sa kanila din itong graduation na natamo ng kanilang mga anak sapagkat sila ang unang-unang nagsakripisyo ng madami. Madaming mga bagay na ginawa nila ang mamatay sa sarili para mapagtapos ang mga kanilang mga anak. Ganundin ang mga teachers ang kanilang pagsasakripisyo para matuto ang mga estudyante natin,” ayon sa mensahe ng obispo.
Inihalintulad din ng Obispo ang karanasan at sakripisyo ng mga mag-aaral na magtatapos sa kasiyahan bilang isang hakbang sa pagkamit ng kanilang tagumpay sa buhay.
“Salamat dahil itong mga estudyante niyakap nila ang Krus na kanilang pag-aaral, pagpupuyat na ginawa, pagsasakripisyo din. Talagang itong graduation ay parang karanasan ng muling pagkabuhay ni Kristo…nasa panahon tayo ng holy week. Pero dito mismo sa graduation makikita natin at matatanaw kung ano ang nagiging bunga ng pagsasaripisyo natin ng may pagmamahal,” pahayag ng Obispo sa Radio Veritas
Inaanyayahan din ng Obispo ang bawat isa na sama-sama ipagdasal ang mga mag-aaral upang makuha ang kaganapan na kanilang minimithi para na rin sa lalung ikagaganap ng plano ng Diyos para sa kanila.
Samantala, pitong daang mag-aaral na Yolanda survivor Yolanda ang nakatakdang magtapos sa kolehiyo ngayong taon sa ilalim ng scholarship ng Caritas Manila.
Ayon kay Rev. Fr. Anton CT Pascual, Executive Secretary ng Caritas Manila ang mga estudyanteng ito ay kabilang sa 1,600 na magtatapos sa kolehiyo ngayong Marso sa ilalim Youth Servant Leadership Education Program-Educational Assistance Program (YSLEP-EAP) ng Caritas Manila.
“Ngayong Marso ang pinakamalaking batch natin na graduates 1,600 ang gumraduate ng college sa scholarship ng Caritas na YSLEP. At dun sa 1,600 na yan 700 ay Yolanda victims mula sa Leyte at Coron,” ayon kay Fr. Pascual.
Ito ayon kay Fr. Pascual ang pinakamalaking batch ng mga magsisipagtapos, at nataon din sa ika-aapat na taong anibersaryo nang pagtama ng malakas na bagyo sa bansa dahilan para ilunsad ang scholarship program sa lalawigan.
Patuloy namang hinihikayat ng pari ang publiko na patuloy na magbahagi ng kanilang tulong para suportahan ang 5,000 college scholars sa buong bansa ng Caritas na nangangailangan ng P125 M kada taon.
“But with our limited resources, ngayon nga ang adbokasiya ng simbahan ay stewardship na kung saan ay hinahamon ang mga katoliko na mas magbigay pa tayo at mag-abuloy para mapakinabangan ang ating mga programa sa mahihirap lalu na sa social services and development ministries,” ayon kay Fr. Pascual.
Dagdag pa ni Fr. Pascual, patuloy din ang paghahanap ng Caritas Manila ng mga church organization para tumulong sa mga mahihirap kung saan ngayong taon ay may 100 organizations na ang regular na tumutulong para sa scholarship, medical, sa mga matatanda, sa mga bata at may kapansanan.
Sa isang mensahe ni Pope Francis sinabi nitong ang pagbibigay ng kawanggawa sa kapwa ang pinaka-diwa ng misyon ng simbahan.