184 total views
Nananawagan sa pamahalaan ang Philippine General Hospital Chaplaincy na bigyan nang kaukulang pansin ang sektor ng kalusugan ngayong patuloy ang pagtaas ng kaso ng coronavirus disease sa bansa.
Ayon kay PGH head chaplain at Jesuit priest Fr. Marlito Ocon, batid ngayon sa mga inilalabas na datos, lalo na sa mga ospital ang patuloy na pagdami ng mga nasasawi dahil sa COVID-19.
Sinabi ng pari na sa mga nakakausap niyang tauhan sa mga Emergency Room, nababanggit na sa loob ng isang araw ay nasa anim hanggang pitong pasyente ang nasasawi dulot ng virus.
Dahil sa ganitong sitwasyon, napapagod na rin hindi lamang ang pisikal, kundi maging ang emosyonal na kalusugan ng mga healthcare workers.
“I was told by an ER staff while we were donning together, that there are times when he gets tired of cleaning, dressing, and packing dead bodies and putting them inside cadaver bags. To my disbelief he said, ‘imagine mo Father, sa ngayon may araw na may 6-7 death kami per shift, that means 18-20 death per day, ER lang’,” pahayag ni Fr. Ocon mula sa kanyang facebook post.
Samantala, ang pagdami rin ng mga nasasawing pasyente ay dahil hindi agad ito tinatanggap ng mga ospital sapagkat puno na rin ito ng mga pasyente, bagay na hindi pa rin matugunan ng pamahalaan magmula nang lumaganap ang COVID-19 sa bansa.
Kaya naman panawagan ni Fr. Ocon na huwag na sanang bahiran ng pulitika at lalong huwag nang nakawin ang pondo ng bayan na nakalaan upang paigtingin ang serbisyong medikal sa bansa lalo na ngayong panahon ng pandemya.
“Sa mga pulitiko at nanunungkulan sa gobyerno, huwag muna kayo mamumulitika at higit sa lahat huwag kurakutin ang budget para sa bakuna at kung ano mang nakalaan para sa mga serbisyong pangkalusugan,” ayon kay Fr. Ocon.
Batay sa ulat ng PGH, naabot na nito ang full capacity sa pagtanggap ng mga pasyenteng may COVID-19, kung saan nasa mahigit 100-pasyente ang kasalukuyang naghihintay para ma-admit.
Kasabay naman nito ay ang pagbibitiw ng nasa 10 volunteer doctors ng PGH na pinangangambahang magdudulot ng patuloy pang pagdami ng mga magbibitiw na medical workers ngayong pandemya.
Naitala naman ng Department of Health ang 17,964 na panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa, habang 168 naman ang panibagong bilang ng mga nasawi.