1,937 total views
Alalahanin at patuloy na bigyang pugay ang kabayanihan ng SAF 44.
Ito ang panawagan ng Philippine National Police – Chaplain Service kaugnay sa ika-8 anibersaryo ng madugong Mamasapano encounter kung saan nasawi ang 44 na PNP-Special Action Force troopers na tinaguriang SAF 44.
Ayon kay PNP-Chaplain Service Director Police Brigadier General Msgr. Jason Ortizo, naaangkop na patuloy na alalahanin at bigyang pugay ang kabayanihan at pagiging makabayan ng SAF 44 na hindi lang maituturing na inspirasyon para sa mga pulis at sundalo kundi maging para sa lahat ng mga Filipino.
“Nanawagan din ako sa lahat, sa ating kapwa Filipino na ating i-commemorate talaga itong SAF 44 kung ano ang kanilang ginawa para sa ating bayan, this is not only to inspire every soldier or policemen but also to inspire the entire Filipino people kasi pinapakita dito ang kadakilaan, ang nasyonalismo ng bawat Filipino,” pahayag ni Ortizo sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ni General Ortizo na bagamat nananatili pa rin ang kirot sa dibdib sa tuwing inaalala kabayanihan at kamatayan ng SAF 44 ay hindi naman nito maiaalis ang inspirasyon sa pag-aalay ng buhay para sa bayan.
Ayon kay General Ortizo, isinagawa ng Police Regional Office 8 sa Palo, Leyte ngayong 2023 Day of National Remembrance for the Heroic Sacrifice of SAF 44 ang pag-aalay ng panalangin sa kanilang kaluluwa at pananalangin para sa kanilang mga naiwang mahal sa buhay.
Umaasa naman si General Ortizo na maraming mga kabataan ang mapukaw ang damdamin sa halimbawa ng kabayanihan ng SAF 44 upang maglingkod para sa bayan at sa kapwa Filipino.
Tema ng 2023 Day of National Remembrance for the Heroic Sacrifice of SAF 44 ang “Legacy of Heroes: Inspiration of Future Generations”.
Ginugunita ngayong taon ang ika-8 anibersaryo ng madugong Mamasapano encounter kung saan idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ilalim ng Proclamation No. 164 ang ika-25 ng Enero na National Day of Remembrance bilang pagkilala sa kabayanihan ng SAF 44.