177 total views
Walang kredibilidad ang testigo na nagdadawit sa iba’t-ibang personalidad at ilang opisyal ng Simbahan sa planong destabilisasyon laban sa pamahalaan.
Ito ang reaksyon ni Archdiocese of Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma – Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Mutual Relations sa pagkakasangkot ng mga lider ng Simbahan sa sedition case na isinampa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Binigyan diin ni Archbishop Ledesma na maituturing na “fake news” ang mga sinasabi ni Peter Joemel Peter Advincula alyas Bikoy dahil sa kawalan nito ng integridad bilang testigo ng PNP.
Iginiit din ng Arsobispo na dapat sundin ng PNP ang due process sa mga kasinungalingan ni Advincula.
“Well that is definitely parang fake news para sa akin sapagkat ang witness diyan is not credible himself, dapat nga we should really follow the due process na pakinggan din yung other side to it, alam din natin na maraming fabrication na mga charges ngayon among innocent people so dapat we should really follow the due process here at susundin din natin ang batas tungkol dito”. Pahayag ni Ledesma sa Radio Veritas
Kabilang sa 35-indibidwal na kinasuhan ng Sedition Case ng PNP-CIDG ay sina Vice President Leni Robredo at ilang mga opisyal ng Simbahan kabilang na sina CBCP Vice President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, Former CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas, Novaliches Bishop-Emeritus Teodoro Bacani Jr., Cubao Bishop Honesto Ongtioco, Fr. Flaviano Villanueva, running priest Fr. Robert Reyes at Jesuit Priest na si Fr. Albert Alejo.
Si Advincula alyas Bikoy ang nasa likod ng Ang Totoong Narcolist video na nagdawit sa pangalan ng pamilya Duterte sa kalakaran ng droga na agad na binawi ang pahayag matapos buhayin ng PNP ang patong-patong nitong kaso.
Nauna na ring ipinagtanggol ni Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) President Davao Archbishop Romulo Valles ang ilang obispo at pari sa pagkakasangkot sa nasabing kaso at ipananalangin ang pag-iral ng katarungan at katotohanan sa lipunan.
Read: CBCP, ipinagtanggol ang mga Obispo at Paring isinasangkot sa sedition case