389 total views
Umapela ng tulong si Rev. Fr. Boyet Valenzuela, Parish Priest ng San Joaquin-Sta Ana Parish, General Nakar Quezon para sa mga biktima ng pananalasa ng bagyong Karding lalu na para sa Burdeos Quezon na lubhang nasalanta.
Ayon sa Pari, naranasan ng mga mamamayan ng Burdeos ang pinakamatinding epekto ng bagyo matapos 90% ng mga bahay, gusali at iba pang imprastraktura ang nasira .
“Ipagpatuloy lamang po natin ang pagkakaisa at pagtutulungan para sa oras ng kalamidad ay handa tayo at the same time huwag tayong makakalimot sa Diyos at lagi tayong manalangin, may awa ang Diyos,” ayon sa panayam ng Caritas in Action Program kay Fr. Valenzuela.
Apela din ng Pari na paigtingin ang pangangalaga sa kalikasan lalu na sa Sierra Madre upang maprotektahan ang mas marami pang mamamayan sa hinaharap laban sa banta ng anumang bagyo.
“Hindi po siya nagpapabaya (Ang Sierra Madre) na tayo alalayanan at suportahan gaya ng nangyari ngayong bagyong Karding, lalo na ngayon ang naapektuhang malaki ay ang isla ng Polillo particularly ang Burdeos Quezon. Nanawagan po ako dahil dati po akong parish priest doon, tulungan po natin ang ating mga kababayan sa Burdeos Quezon,” panawagan ni Father Valenzuela.
Naunang nanawagan ng tulong at panalangin ang iba pang mga lider ng simbahan sa Luzon na naapektuhan din ng bagyong Karding.