212 total views
Tinutugunan na ng lokal na pamahalaan maging ng Simbahang Katolika ang problema ng mga magsasakang naapektuhan ng El Niño sa Palawan.
Ito ayon kay Puerto Prinsesa, Palawan Bishop Pedro Arigo matapos isailalim sa ‘state of calamity’ ang buong lalawigan.
Ayon kay Bishop Arigo bagaman iilan lamang ang talagang napinsala ng tag – tuyot sa kanilang lugar ay may panaka–naka na ring pag- ulan na hudyat na patapos na ang tag- tuyot at ramdam na ang La Nina.
“Ang amin namang Provincial government ay very responsive sa ganyang mga issue o ganyang mga need. Pero sabi ko nga, parang ang El Nino is over dahil panay na ang ulan sa Palawan ngayon lalo na sa bundok,” bahagi ng pahayag ni Bishop Arigo sa panayam ng Veritas Patrol.
Iginiit pa ng obispo na ang matinding kinakaharap ng kanilang lugar ay ang pagkatuyo ng mga pangunahing pinagkukunan nila ng tubig ngunit unti-unti na ring bumabalik dahil sa pag – ulan.
“Sa Puerto nga ang talagang naging problema walang tubig kasi na – drain yung source ng water ng aming local water district na – drain dahil nga sa El Nino. Ngayon, simula ng nag – uulan na two weeks ago ay medyo bumabalik na bagamat mahina pa pero meron na ring supply ang tubig,” giit pa ni Bishop Arigo sa Radyo Veritas.
Sa mahigit P100 milyon na calamity fund ng pamahalaang panlalawigan tanging ang 30 porsiyento na nakapaloob sa Quick Response Fund lamang ang napagkasunduan ng Sangguniang Panlalawigan na maaaring gamitin sa para sa ngayong state of calamity.
Tinataya naman ng Office of Provincial Agriculture ng Palawan, umaabot na sa halos P500 milyon ang nalugi sa mga magsasaka mula sa kanilang mga pananim na nasira at iba pang produktong pang-agrikutura kasama na ang sector ng pangisdaan at livestock.