512 total views
Naniniwala ang pinuno ng Migrants Ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na makatutulong sa mga Filipinong migrante ang kasunduang nilagdaan ng mga opisyal ng Pilipinas at Russia.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI), maituturing na kaginhawaan sa panig ng mga Overseas Filipino Workers sa Russia na makapagtrabaho ng maayos at panatag ang kalooban.
“Bilateral agreement between our country and Russia is indeed a welcome relief and assurance that our OFW in Russia will be protected and their works would be legalised,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Aniya, maaring ito rin ang wastong hakbang upang matugunan ang suliranin sa pagkuha ng visa sa nasabing bansa lalo’t kasalukuyang 100 lamang ang inilaan para sa mga dayuhanng manggagawa.
Umaasa ang obispo na maresolba sa tulong ng nasabing kasunduan ang iba’t ibang suliraning kinakaharap ng mga OFW partikular na ang halos 10, 000 undocumented Filipinos.
Ayon kay Philippine Ambassador to Russia Carlos Sorreta, ang mga household workers at nannies na mga Filipino ang kadalasang walang working visa sa Russia dahil sa limitado lamang ang binibigyan.
“Surely this bilateral agreement will promote the well being of our OFWs, and can attend specifically to their needs and concerns.” ani ni Bishop Santos.
Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Filipino sa Russia na ligtas ito at hindi ito hahabulin ng mga awtoridad sa nasabing bansa batay na rin sa napagkasunduan ng dalawang lider.
Mas paiigtingin pa ng Pilipinas ang pakikipag-ugnayan sa Russia para sa mga oportunidad ng trabaho na maging bukas para sa mga Filipino.
Dahil dito umaasa si Bishop Santos na tatalima at mahigpit na maipatupad ang mga napagkasunduan ng dalawang bansa para sa kapakanan at karapatan ng mga manggagawang Filipino sa ibayong dagat.
“We pray and hope this bilateral agreement will push through, be accepted and implemented,” saad ng obispo.