2,214 total views
Pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang paggawad ng sakramento ng binyag sa 60 mga bata sa Sto. Niño de Baseco Parish sa Port Area, Tondo Manila.
Pinaalalahanan ng cardinal ang mananampalataya na kaakibat ng binyag ang misyong ibahagi ito sa lipunan bilang pakikiisa sa misyon ni Hesus.
“Ang sakramento ng binyag ay biyayang may kalakip na misyon tayo ay nabiyayaan upang maghandog ang pananampalatayang tinanggap natin sa binyag ay hindi maaring manatili lang sa atin kailangan natin itong ibahagi sa kapwa, ipahayag sa lahat ng mga bansa at ipasa sa mga susunod na henerasyon,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Advincula.
Apela ni Cardinal Advincula sa mga magulang, ninong at ninang na maging mabuting ehemplo sa mga kabataan at hubugin ang mga ito sa turo ng Panginoon upang maging mabuting kasapi ng lipunan at kristiyanong pamayanan.
Binigyang diin ng arsobispo na ang bawat sakramentong ipinagdiriwang ay biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan.
Ang gawain ay inisyatibo ng mga kawani ng Roman Catholic Archdiocese of Manila bilang bahagi ng kanilang taunang outreach program at pakikiisa sa misyon ng simbahan na paigtingin ang pagkakaloob ng mga sakramento.
Pinasalamatan ni Augustinian Priest Fr. Asis Bajao, kura paroko ng parokya ang mga kawani ng RCAM dahil napili ang komunidad ng Baseco na maging benipisyaryo ng proyekto.
Kinilala rin ng pari ang mga magulang na tumugon sa panawagan ng simbahan kasabay ng apelang maging aktibong kasapi ng komunidad.
“Ako po ay lubos na nagpapasalamat sa inyo na binigyan n’yo kami ng pagkakataon na akayin kayo para mabinyagan ang inyong mga anak; ang ating pagsimba hindi lang hanggang sa nabinyagan kundi hanggang sa susunod pang sakramento,” ani Fr. Bajao.
Sa kasalukuyan mahigit sa tatlong milyong katoliko ang nabibilang sa Archdiocese of Manila mula sa limang lunsod ang Manila, Makati, Mandaluyong, Pasay at San Juan.