737 total views
Inihayag ng kinatawan ni Pope Francis sa Pilipinas ang kahalagahan ng tungkulin ng Mahal na Birhen bilang tagapamagitan sa Panginoon.
Ito ang pagninilay ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown sa kapistahan ng Mahal na Birhen ng Fatima noong Mayo 13.
Ipinaliwanag ng Nuncio na bilang ina ay ginampanan ni Maria ang pagkalinga sa sangkatauhan at paggabay tungo sa kanyang anak na si Hesus.
“She [Mary] is never in the front or calling attention to herself but she is a silent presence for us Christians directing us to Jesus and protecting Jesus in us and see in us what she saw in Jesus,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Brown.
Muling hinimok ng arsobispo ang mananampalataya na tularan ang mga halimbawa ng Mahal na Birhen na buong pusong sumunod sa kalooban ng Panginoon.
Ipinaalala rin ni Archbishop Brown ang mga mensahe ng Mahal na Ina sa paggunita ng ika – 105 anibersaryo ng pagpakita nito sa tatlong bata sa Fatima Portugal noong 1917.
Kabilang na rito ang pananalangin ng Santo Rosaryo upang makamtan ng sandaigdigan ang kapayapaan.
Matatandaang nagpakita ang Mahal na Ina kina Lucia dos Santos, San Jacinta at San Francisco Marto sa Cova Da Iria tuwing ika – 13 ng buwan mula Mayo hanggang Oktubre 1917 at paulit-ulit nitong hiniling ang taimtim na pananalangin at pagbabalik loob ng mamamayan.
Pinangunahan ni Archbishop Brown ang banal na misa sa National Shrine of the Our Lady of Fatima kasama sina Malolos Bishop Dennis Villarojo, Iba Zambales Bishop Bartolome Santos at Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iñiguez kasama ang mga pari ng diyosesis.
Taong 1961 nang maitatag ang parokya at itinalaga sa Our Lady of Fatima, 1976 naman ng ideklara ito ng Catholic Bishops Conference of the Philippines bilang national shrine habang 2011 nang opisyal na ideklarang patron ng lungsod ng Valenzuela.