443 total views
Magsasagawa ng “Biseklita de Traslacion” ang Sto. Nino Parish sa Mabini, Davao De Oro bilang paggunita sa Kapistahan ng Poong Hesus Nazareno ngayong taon.
Ayon kay Rev. Fr. Emerson Luego – kura paroko ng Sto. Nino Parish, bagamat hindi maaring makapagsagawa ng nakaugaliang Traslacion ang Diocese of Tagum dahil nasa ilalim pa rin ng General Community Quarantine ang Tagum City ay mas maluwag naman ang mga polisiya sa parokya na nasa Davao de Oro at kasalukuyang nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine.
Ibinahagi ng Pari na nagsimula na ang mga Novena Masses bilang paghahanda sa Kapistahan ng Poong Hesus Nazareno.
“Actually, ang sa ngayon ang sa Tagum City, magdiriwang lang po ng Novena Masses at wala silang Traslacion kasi ang probinsya ay naka-GCQ po sila so dito sa isang parokya dito sa Davao de Oro to which ibang probinsya na ang Sto. Nino Parish, Mabini, Davao De Oro nasa MGCQ kami so nagsimula na yung Novena Masses namin nung December 31 at saka ara-araw po at saka meron kaming Traslacion…”pahayag ni Fr. Luego sa panayam sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ni Fr. Luego na bilang tugon sa patuloy na ipinatutupad na minimum health protocol ng I-A-T-F sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine ay napagdesisyunan ng parokya na magsagawa ng “Biseklita de Traslacion” kung saan magsasagawa ng motorcade sa imahen ng Mahal na Poong Hesus Nazareno habang nakasunod naman ang mga naka-bisikletang deboto.
Ayon sa Pari, inaanyayahan rin maging ang mga debotong hindi marunong magbisikleta na makibahagi sa nasabing Traslacion maging sa pamamagitan ng mga motor at mga sasakyan na magsisimula ng alas-singko ng umaga sa ika-9 ng Enero.
“Pero kakaibang paraan ngayon dahil binabase po namin sa kung ano yung approve ng IATF yung sa protocol, so since maraming bikers po dito sa Davao de Oro, Davao del Norte at mga malapit na probinsya siguro first time ito na magkakaroon ng tinatawag namin na “Biseklita de Traslacion” magbi-bisekleta po kami kasi yun po ang approve ng IATF, so si Ama (Mahal na Poong Hesus Nazareno) isasakay namin sa truck which susunod yung mga bikers sa January 9 sa kapistahan alas-singko ng umaga po mag-start yung activity…” Dagdag pa ni Fr. Luego.
Ayon sa Pari, iikot ang “Biseklita de Traslacion” sa mga lalawigan ng Davao del Norte, Davao de Oro at Davao Oriental kung saan kapwa umiiral ang Modified General Community Quarantine.
Pangungunahan naman ni Diocese of Tagum Bishop Medel Aseo ang pontifical mass para sa kapistahan sa Tagum ganap na alas-dyes ng umaga habang si Tagum Bishop Emeritus Wilfredo Manlapaz naman ang magmimisa sa Sto. Nino Parish, Mabini, Davao De Oro.