487 total views
Pinaalalahanan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle si Butuan Bishop Cosme Damian Almedilla hinggil sa panibagong misyon na kakaharapin para sa Simbahang Katolika.
Sa pagninilay ng Kardinal, sinabi nitong hindi trabaho ang iniaatang ng Simbahan sa kanya kundi ang maging kaisa ni Hesus sa paglilingkod sa sambayanan ng Diyos na ipinagkakatiwala sa kanyang pangangalaga.
“Hindi ito trabaho ang pinapasok mo [Bishop Almedilla], isa itong napakalalim na ugnayan kay Hesus, ugnayan sa Ama, na uuwi sa ugnayan ng bayan ng Diyos sa Butuan,” bahagi ng homiliya ni Kardinal Tagle.
Ipinaliwanag ni Kardinal Tagle na si Hesus ay nakipagkaisa sa kawan ng Diyos Ama upang maipadama ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa tao.
Hamon ng Kardinal na bilang mga pastol ng Panginoon ay mahalagang pairalin ang kababaang loob sapagkat higit kinalulugdan ng Diyos ang pagtitiwala sa kanyang kawan.
Hinimok din ni Kardinal Tagle ang mananampalataya na patuloy ipanalangin si Bishop Almedilla na gabayan sa kanyang pagpapastol sa higit 1 milyong Katoliko sa Butuan katuwang ang mga Pari at iba’t ibang relihiyosong kongregasyon.
“Mga kapatid, ipanalangin natin si Bishop Meng na lumalim ang kanyang pagmamahal kay Kristo dahil ang pagmamahal kay Kristo ang ugat ng pagmamahal n’ya sa kawan ni Kristo,” ani ng Kardinal.
Pinili ni Bishop Almedilla ang motto na ‘Pasce Oves Meas’o ‘Tend My Sheep’ ang paghirang ng Santo Papa sa kanya bilang pinunong pastol ng Butuan na isang paglilingkod sa kabila ng kanyang pagiging hindi karapat-dapat.
Ika – 25 ng Marso nang hirangin ni Pope Francis si Bishop Almedilla na magiging kahalili ni Bishop Juan De Dios Pueblos na pumanaw noong Oktubre 2017.
Ika – 25 ng Hunyo naman ng isagawa ang episcopal ordination, installation at canonical possesion ni Bishop Almedilla sa St. Joseph Cathedral sa lungsod ng Butuan sa pangunguna ni Cagayan De Oro Archbishop Antonio Ledesma katuwang sina Malaybalay Bishop Jose Cabantan at Talibon Bishop Daniel Patrick Parcon habang nagbahagi ng homiliya si Kardinal Tagle.
Hiling ng Arsobispo ng Maynila sa mananampalataya na samahan si Bishop Almedilla sa pagtanggap sa hamon ng pagmimisyon bilang pastol na nakasusunod sa kalooban ng Diyos Ama tulad ni Hesus na ipinalalaganap ang pag-ibig sa kanyang pagpapastol.
Sa huli ay binilin ni Kardinal Tagle sa bagong Obispo na ito ay katiwala lamang ng Panginoon at hayaan si Jesus na maging tagapagpastol ng sanlibutan.
“You [Bishop Almedilla] are part of the flock, let Jesus be the shepherd do not compete Jesus,” ani ni Kardinal Tagle