345 total views
Humihiling ng panalangin si San Carlos, Negros Occidental Bishop Gerardo Alminaza para sa kanyang agarang paggaling matapos itong magpositibo sa coronavirus disease.
Ayon kay Bishop Alminaza, maaaring nakuha niya ito sa pagpunta sa iba’t ibang lugar para maghandog ng panalangin sa mga mananampalataya upang maipadama ang pagpapala ng Diyos kahit na patuloy ang pag-iral ng pandemya.
Binigyang diin ng Obispo na wala siyang pinagsisisihan sa kanyang pagkakahawa sa virus, bagkus ay tinitingnan niya ito bilang biyaya mula sa Diyos.
“Everything is a gift and providence! I took risks blessing people who would like to feel God’s tenderness and closeness to them. No regret! Now I have this rare and precious opportunity to see the other side of those we minister to,” bahagi ng pahayag ni Bishop Alminaza sa panayam ng Radio Veritas.
Hinihikayat din ni Bishop Alminaza ang lahat na ipanalangin din ang mga pasyenteng positibo rin sa COVID-19 na nawa’y makamtan ang lubusang kagalingan at matamo ang walang hanggang pagpapala ng Panginoon.
Gayundin ang kaligtasan ng mga frontliners na araw-araw ding humaharap sa mga pagsubok upang mabigyan ng karampatang lunas ang mga apektadong pasyente.
“I ask for everyone’s prayers for my fast healing as for other COVID-19 patients even as I assure you too of my constant prayers and offerings my prayers for our frontliners have now become more heartfelt!” ayon kay Bishop Alminaza.
Hunyo 20, 2021 nang lumabas sa resulta ng swab test ni Bishop Alminaza na nagpositibo ito sa COVID-19.
Samantala, hahali muna si San Carlos Vicar General Monsignor Erwin Magnanao sa mga tungkulin ng Obispo habang ito’y kasalukuyang nagpapagaling.
Bukod kay Bishop Alminaza, pitong Obispo pa sa bansa ang nahawaan ng coronavirus kabilang na sina Cardinal Luis Antonio Tagle, Bishop Broderick Pabillo, Bishop David William Antonio, Bishop Deogracias Iñiguez at Archbishop Jose Palma, habang nasawi naman sina Archbishop Oscar Cruz at Bishop Manuel Sobreviñas.