401 total views
Pinaalalahanan ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. ang mga lingkod ng Simbahan na ang pakikisangkot sa usaping panlipunan kabilang na ang pulitika ay bahagi ng misyon ng mga pastol ng Simbahan.
Sa panayam ng Radio Veritas, iginiit ni Bishop Bacani na ipinagbabawal sa batas ng Simbahan ang pagkandidato ng mga pari maliban na lamang sa tinaguriang ‘extreme cases’ sa patnubay ng kanilang obispo.
“May mga extreme cases po na ang pari ay pwedeng kumandidato ngunit dapat may pahintulot ng kanyang obispo, kung walang pahintulot ng kanyang obispo may mga consequences yan sa kanyang pagtupad ng tungkulin bilang pari,” pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas.
Ito ang mensahe ng Obispo kaugnay sa paghain ng kandidatura ng ilang pari para sa 2022 national and local elections.
Batid ni Bishop Bacani na bilang mamamayan ay karapatan nitong pamunuan ang bayan subalit sa pagiging pari ang pakikisangkot sa pulitika ay upang gabayan ang mamamayan sa paghalal ng mga karapat dapat na pinuno ng bayan.
“Tayong mga pari ay dapat masangkot sa pulitika ngunit hindi tayo dapat mamulitika, tayo ay mga nasasangkot bilang mga pari at hindi bilang mga pulitiko; ang atin ay hindi ang makahawak tayo ng kapangyarihan sa pamahalaan kundi upang i-guide ang mga tao na mamuhay at pumili ng mga lider na nararapat,” dagdag pa ni Bishop Bacani.
Sinasaad sa Canon Law 285 ‘3. Clerics are forbidden to assume public offices which entail a participation in the exercise of civil power.’
Batay sa pagsaliksik ng Veritas Newsteam, tatlong pari ang naghain ng kanilang kandidatura sa lokal na posisyon sa halalan sa susunod na taon.
Kabilang na rito si Fr. Granwell Pitapit ng Diocese of Libmanan na tumakbong alkalde sa Libmanan, Camarines Sur; Fr. Emmanuel Alparce ng Diocese of Sorsogon na tumakbong konsehal sa Bacacay, Albay; at Fr. Emerson Luego ng Diocese of Tagum na tumakbong alkalde sa Mabini Davao De Oro.
Mensahe ni Bishop Bacani sa mga paring kumandidato na pagbutihin ang paglilingkod sa mamamayan at palawakin ang misyon ng simbahan sa mabuting pamamahala.
“Kapag kayo ay naupo sa posisyon galingan ninyo ang pamamahala, hindi sapat na tayo ay mabuting pari dapat magaling din tayong mamahala ayon sa tungkuling iniaatang ng bayan na pumipili sa kanilang mga leaders,” giit ni Bishop Bacani.