207 total views
Iginiit ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. na pagbatayan nawa ng publiko ang mga Salita ng Diyos sa pagpili ng susunod na pangulo ng bansa.
Ayon sa obispo, mahalagang makinig sa mga aral ng mga pastol at kaakibat nito ang katahimikan o panalangin upang matanim sa puso at isipan ang mga pangaral ng Panginoon.
Inihayag pa ni Bishop Bacani, na hindi dapat ihalal ang pumapatay at hindi gumagalang sa magulang.
“Father of lies and a murderer, the prince of this world is coming, namamayagpag siya, pero ang sabi ng Panginoon he has no power on me, kaya dapat ang Panginoon sa kanya tayo bumaling, oo may mga survey makinig ka rin pero lalot ang Panginoon ang dapat nating pakinggan, kapag nakinig tayo sa kanya, sabi sa Bibliya blessed are they who listen to the word of God and do it, una makinig ka, pagkatapos tumahimik ka manalangin, dahil kung hindi tayo titigil sandali hindi natin maririnig ang boses ng Diyos, kapag hindi tayo tumahimik, maririnig natin ang mga pulitiko, ang Panginoon ay sumasainyo at nais niyang magsalita, ang Diyos mismo, this is my beloved son, please listen to him, pakinggan din ninyo ang boses ng inyong mga pastol, pagbatayan naman natin ang mga Salita ng Diyos sa ating pagpili.” Pahayag ni Bishop Bacani sa panayam ng Radyo Veritas.
Pinayuhan din ng obispo ang mga botante na maghalal ng kandidato hindi para sa sarili kundi para sa kapwa at sa Panginoon upang mapili ang karapat-dapat na mamumuno sa lipunan.
“Bumoboto ka hindi para sa sarili mo kung hindi para sa iyong kapwa tao at sa bayan, hindi ka boboto at nabubuhay hindi sa iyong sarili kundi sa bayan at sa Panginoon.”
Kaugnay nito, iginiit ng obispo na hindi tama ang ginagawa ng isang kandidato na ipinagmamalaki pa ang mga pinaslang nito.
Ayon kay Bishop Bacani, hindi tama ang pumatay lalo na kung ito ay walang ‘due process’.
Dagdag ng obispo, sa ulat na mahigit 1,400 ang pinaslang ng Davao death squad, ni isa sa mga ito walang pinapanagot kayat hindi maituturing ang lugar na isa sa pinakamatahimik sa buong mundo dahil may patayang nagaganap.