351 total views
Nakiisa ang social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mga political prisoner na patuloy lumalaban sa kanilang mga karapatan.
Tinukoy ni CBCP Nassa/Caritas Philippines National Director Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ang karanasan ni dating Senator Leila de Lima na biktima ng pangho-hostage ng kapwa bilanggo noong October 9.
Naniniwala ang opisyal na ang pagkabilanggo ng mga political prisoners ay bunsod ng kanilang paninindigan para sa katarungan at karapatan ng mamamayan.
“Caritas Philippines stands in solidarity with the many political prisoners like former Senator Leila de Lima who have been unjustly detained due to their political beliefs and advocacies,” mensahe ni Bishop Bagaforo.
Batay sa ulat ng Philippine National Police nagtangkang tumakas ang tatlong preso na sina Feliciano Sulayao Jr. at Idang Susukan na pawang sub-leader ng Abu Sayyaf Group habang si Arnel Cabintoy naman ay miyembro ng Dawlah Islamiyah.
Matapos mapatay ng rumespondeng pulis sina Susukan at Cabintoy ay tinungo ni Sulayao ang selda ni de Lima at ginawang hostage ang dating Senador.
Bagamat nailigtas sa kapahamakan ay umigting ang panawagang palayain si de Lima lalo’t karamihan sa mga tumestigo ay binawi na ang mga pahayag laban sa dating senador.
Ayon sa tala ng grupong Karapatan, nasa 343 ang political prisoners sa administrasyong Arroyo, 306 sa administrasyong Aquino habang pinakamarami ang 592 sa administrasyong Duterte.
Apela ni Bishop Bagaforo na palayain ang mga nakapiit dahil sa pananaw sa pulitika at ipakita ang paggalang sa karapatan at kalayaan ng mamamayan.
“It’s time to free politically persecuted individuals to show Filipino citizens and the international community that basic human rights, freedom and justice are still in place in the Philippines,” ani ng obispo.