456 total views
Higit dalawang buwan bago ang nakatakdang halalan, hinikayat ni Caritas Philippines National director, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ang mga botante na ipanalangin ang lahat ng mga kandidato na nagnanais magsilbi sa pamahalaan.
Ayon kay Bishop Bagaforo, nawa ay patuloy na mangingibabaw sa mga pulitiko ang pagtataguyod ng batas ng panginoon at para sa kabutihan ng mamamayang Filipino.
“May the Lord bless all of us as we prepare for the May 9 election. May the Lord guide and enlighten all our candidates that the most important of all is to uphold the laws of God. May the Lord accompany all our voters that they may select and choose our leaders na mayroong malasakit sa kapwa, may malasakit sa mahihirap at sa lahat ng mga nasa laylayan ng lipunan,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Ipanalangin din nawa ng bawat isa ang kalakasan at kalusugan ng mga kandidato gayundin ang kalinawan ng pag-iisip sa kanilang hangarin na mahalal bilang opisyal ng bayan.
“Nawa’y pagpalain ang lahat ng ating kandidato ng magandang kalusugan upang maipagpatuloy nila ang kanilang pagkampanya at nawa’y magkaroon tayo ng kapayapaan sa ating gagawing halalan.”panalangin ni Bishop Bagaforo
Hiling din ng obispo sa mga botante na maging matalino sa pagpili ng mga bagong mamumuno sa bansa at isaalang-alang ang interes ng buong bansa at hindi ng sarili.
Ipinapanalangin din ni Bishop Bagaforo ang kapayapaan ng bansa lalo na sa paghahanda sa nalalapit na halalan na gaganapin sa May 9.
Panawagan din ng obispo sa mga kandidato na isama sa kanilang programa ang pangangalaga sa kalikasan at pagpapanumbalik ng kaayusan sa mga komunidad na nasira ng mga kompanya ng pagmimina.
Ang pahayag ng obispo ay kaugnay sa ginanap na ‘Catholic E-Forum One Godly Vote’ voters education campaign ng media arm ng Archdiocese of Manila na mapakikinggan at mapapanood tuwing ika-walo ng umaga, Lunes hanggang Biyernes.
Si Bishop Bagaforo din ang nagbigay ng pagninilay sa mga inihaing programa ng naging panauhin na si vice presidential aspirant Atty. Carlos Serapio ng Katipunan ng Kamalayang Kayumanggi Party.
Si Serapio ay ang ‘running mate’ ni presidential candidate Faisal Mangondato na mula sa Islamic City ng Marawi sa Lanao del Sur.
Kabilang sa mga nakalipas na panauhin sa E-Forum ng Radio Veritas sina presidential aspirants Leody de Guzman, Dr. Jose Montemayor Jr.; Norberto Gonzales, Ernesto Abella, Manila Mayor Francisco Domagoso, Vice-President Leni Robredo at Mangondato at vice-presidential candidate Manny Lopez ng Labor Party of the Philippines.