18,068 total views
Pumanaw na sa edad na 80-taong gulang ang dating Obispo ng Diyosesis ng Sorsogon na si Bishop Emeritus Arturo Bastes ganap na alas-sais y medya ngayong umaga, ika-20 ng Oktubre, 2024.
Ipinanganak noong April 1, 1944 sa Loboc, Bohol si Bishop Bastes ay naordinahang pari noong November 28, 1970 sa Society of the Divine Word (SVD).
Taong 1997 ng itinalaga ni dating Pope St. John Paul II si Bishop Bastes bilang ikatlong Obispo ng Diyosesis ng Romblon na nagsilbing punong pastol ng diyosesis sa loob ng 5-taon bago itinalaga bilang Coadjutor Bishop ng Diyosesis ng Sorsogon noong July 25, 2002.
Makalipas ang isang taon ay tuluyang itinalaga si Bishop Bastes bilang Obispo ng Diyosesis ng Sorsogon noong April 16, 2003 at nanungkulan sa diyosesis sa loob ng 16 na taon bago nagretiro bilang punong pastol ng diyosesis noong October 15, 2019.
Si Bishop Bastes ay nagsilbi rin bilang dating chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Mission na nangangasiwa sa pagtiyak ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon sa pamamagitan ng pagigig misyonero ng ebanghelyo lalo’t higit sa malalayo at liblib na mga lugar.
Inialay ni Bishop Bastes ang kanyang buhay sa paglilingkod Panginoon, kung saan itinuon ng Obispo ang kanyang religious life sa pagiging isang formator, at minister na nagbabahagi ng Mabuting Balita ng Panginoon lalo na sa mga kabataang nagnanais na maglingkod rin sa Simbahan.