682 total views
Ipinagkatiwala ng Kanyang Kabanalan Francisco kay Bishop Moises Cuevas ang pangangasiwa sa Arkidiyosesis ng Zamboanga habang nagpapagaling sa karamdaman si Archbishop Romulo dela Cruz.
Sa panayam ng Radio Veritas, ibinahagi ni Bishop Cuevas na may sakit ang Arsobispo mula pa noong Hulyo 25.
Dahil dito, itinalaga si Bishop Cuevas ng Santo Papa na tagapangasiwa ng Arkidiyosesis mula Agosto 11 kung saan gagampanan nito ang mga tungkuling saklaw ng diocesan bishop.
Hiling naman ng Obispo sa mananampalataya na ipanalangin ang kagyat na paggaling ni Archbishop dela Cruz gayundin ang kanyang pamumuno bilang administrator ng Arkidiyosesis.
Si Bishop Cuevas na dating tagapamahala ng Zamboanga Cathedral ay itinalaga ni Pope Francis bilang katuwang na obispo ng Arkidiyosesis noong Marso 2020.
Inordinahang obispo noong Agosto 24, 2020 sa pangunguna ni Archbishop dela Cruz kasama sina Ipil Bishop Julius Tonel at Ozamis Archbishop Martin Jumoad.
Ang Arkidiyosesis ay may mahigit sa 600, 000 katoliko o 72 porsyento sa kabuuang halos isang milyong populasyon.