179 total views
Nagpapasalamat si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa lahat ng mga grupo ng mga mananampalataya na nagpapahayag ng suporta hindi lamang sa kanya kundi maging sa iba pang mga lingkod ng Simbahan na inuusig dahil sa kanilang pagpapahayag ng katotohanan sa lipunan.
Ayon sa Obispo na kasalukuyang bise-presidente ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) malaking tulong ang suporta at pananalangin ng iba’t ibang mga institusyon ng simbahan tulad ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines, Sangguniang Laiko ng Pilipinas at iba pang lay institutions sa pagpapalakas ng loob ng mga lingkod ng Simbahan sa paninindigan sa katotohanan.
Ayon kay Bishop David maituturing na “Prayer Power” ang ipinapamamalas na pagkakaisa sa pananalangin ng mga mananamapalataya na isang bagong anyo ng paninindigan at paglaban ng mga mamamayan sa mga maling nangyayari sa lipunan.
“Gusto kong magpahayag ng aking taos-pusong pasasalamat lalong lalao na sa Association of Major Religious Superiors (in the Philippines) kasi ginanap din nila yung kanilang sariling Solidarity Mass at nabasa ko ang kanilang very strongly worded statement maraming-maraming salamat, gayundin sa Sangguniang Laiko (ng Pilipinas) at iba pang mga Lay movements hindi ko maalala lahat nakikita ko lang sa social media, but this is good ang tawag ko Prayer Power the new form of resistance we don’t call it people power we call it prayer that binds people together, in solidarity together…” ang bahagi ng pahayag ni Bishop David sa panayam sa Radyo Veritas.
Paliwanag ng Obispo ang pagkakaisa ay hindi lamang nakasalalay sa pisikal na pakikibahagi kundi maging sa pang-espirituwal lalu na sa pamamagitan ng pananalangin na isang mabisang sandata sa mga pagsubok sa buhay.
Umaasa si Bishop David na madagdagan pa ang mga prayer warriors na mariing nananalangin para sa kapakanan ng bansa para sa katotohanan at kapayapaan.
“Ang solidarity natin hindi naman kailangang physical we can express yung solidarity natin spiritually also kaya tinawag ko siyang “Prayer Power” believe it or not lahat ng mga contemplative orders mga Poor Claire Sisters, mga Pink Sisters, mga Carmelite Sisters parang mistulang mga prayer warriors namin so parang ang panawagan ko is dumami pa ang mga prayer warriors para sa kapayapaan sa ating bansa, para maresolba itong ating mga hinaharap na pagsubok…” dagdag pa ng Obispo.
Kasabay ng paggunita ng Solemnity of the Assumption of the Blessed Virgin Mary o ang Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat ng Mahal na Birheng Maria sa Langit at Bisperas ng Kapistahan ni San Roque na Patron ng Diocese of Kalookan, inilaan ng diyosesis ang banal na misa bilang Solidarity Mass upang sama-sama ipanalangin ang mga Obispo, Pari, Relihiyoso’t Relihiyosa, at mga Layko na inuusig dahil sa kanilang pagpapahayag ng katotohanan lalu na para kay Bishop David at mga lingkod ng Simbahan na kabilang sa 36 na personalidad na sinampahan ng kasong sedisyon ng PNP-CIDG na may kaugnayan sa sinasabing planong destabilisasyon laban sa pamahalaan.
Pinangunahan ang Misa ni Kalookan Vicar General Fr. Jerome Cruz- rector ng San Roque Cathedral kung saan nakibahagi rin ang nasa 50 mga Pari ng diyosesis na gumagabay sa mahigit 1.2-milyong mananampalataya sa Diocese of Kalookan.