295 total views
Nahalal si Caloocan Bishop Pablo Virgilio David bilang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Napiling bagong pangulo ng CBCP si Bishop David nitong Hulyo 8 sa unang araw ng virtual plenary assembly ng mga obispo sa bansa.
Si Bishop David ang kasalukuyang vice president ng CBCP na nanilbihan ng apat na taon o dalawang termino.
Kilala ang obispo bilang ‘bible scholar’ ng bansa kung saan pinamunuan na rin nito ang Biblical Apostolate Commission ng CBCP at aktibo sa pagsusulong ng mga programa sa munting pamayanan sa kanyang diocese kabilang na ang pagtatatag ng mga mission stations.
Taong 2006 nang italaga si Bishop David bilang katuwang na obispo ng Archdiocese of San Fernando Pampanga habang 2016 nang maitalagang pinunong pastol ng Kalookan.
Aktibo ang obispo sa pagtataguyod sa dignidad ng mamamayan at pagtatanggol sa karapatang pantao lalo na sa gitna ng madugong war on drugs ng kasalukuyang administrasyon.
Si Bishop David ay isa rin sa limang obispo na dumalo sa Synod of Bishops on the Word of God na ginanap sa Vatican noong 2008.
Regular ding mapakikinggan ang obispo sa Radio Veritas sa kanyang monthly pastoral visit on the air sa programang Barangay Simbayanan. Samantala, hinirang naman na Vice President ng CBCP si Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara na kasalukuyang kasapi ng CBCP Permanent Council.
Si Bishop Vergara ay naging pangulo ng Radio Veritas 846 noong 2002 hanggang 2005 bago italagang obispo ng San Jose Nueva Ecija. 2011 naman ng hirangin si Bishop Vergara bilang obispo ng Pasig.
Ang mga bagong opisyal ng CBCP ay pormal na maglilingkod sa Disyembre 1, 2021 at mamumuno sa susunod na dalawang taon.