187 total views
Nangangamba para sa kalagayan ng mga hostage si Marawi Bishop Edwin Dela Peña kaugnay na rin sa posibleng ‘final assault’ ng militar laban sa nalalabing miyembro ng ISIS-Maute group.
Panawagan ng Obispo, nawa ay hindi hayaan ng Pangulong Rodrigo Duterte na isagawa ito dahil malalagay sa alanganin ang buhay ng may 60 pang bihag ng bandido kabilang na ang 15 parishioners ng St. Mary’s Cathedral kasama na dito si Fr. Chito Suganob.
“So ang ibig sabihin nyan pati ung mga ating hostages magiging collateral damage sila. Ituturing na lang natin sila na collateral damage kung itutuloy ang assault na ito. Wala ng pinipili yan e basta assault talagang kung sino ang napapasama sa kanila, kahit labag sa kanilang kalooban ay isasakripisyo na rin –that is not acceptable para sa akin hindi sila collateral damage,” ayon kay Bishop Dela Peña.
Sa kasalukuyan ay nasa higit 100 araw na ang digmaan na nagsimula noong Mayo na nagbunsod para palawigin pa ang batas militar hanggang sa pagtatapos ng taon na umiiral sa buong rehiyon ng Mindanao sa hangaring hindi na lumawak pa ang kaguluhan.
Humihingi rin ng tulong ang obispo sa iba’t ibang grupo para manawagan na huwag isagawa ang final assault upang hindi na madagdagan pa ang bilang ng mga inosenteng nagbubuwis ng kanilang buhay at maituring na lamang bilang mga collateral damage.
“So ako ay nanawagan sa lahat na kristiyano na ilabas natin ang ganitong pagtutol na ganitong plano, at ipanalangin natin, ituloy natin ang ating panalangin para sa ating mga…sana matapos na ang kaguluhan na hindi na tayo magsakripisyo pa ng maraming buhay,” dagdag pa ng Obispo.
Sa bisperas ng Eidl Adha- isang dakilang pagdiriwang ng mga Muslim, may 3 sundalo at 5 miyembro ng Maute ang napaslang.
Sa pinakahuling tala, may higit na sa 700 ang bilang ng mga napapatay na bandido habang 136 naman sa panig ng pamahalaan at may higit na sa 40 ang mga napapatay na sibilyan.
Sa kabila nito, matagumpay ding naisagawa ng Prelatura ng Marawi ang Duyog Marawi bilang hakbang sa pagsisimula ng mga residente na maibalik sa normal ang kanilang buhay bagama’t di pa tuluyang natatapos ang digmaan.
Ang Duyog Marawi ay sa pakikipagtulungan ng mga residente ng Marawi, iba’t ibang arkidiyosesis at diyosesis ng simbahan katolika, religious group at mga Muslim group para sa relief operations, rehabilitation at ang pagbibigay ng psycho social intervention sa mga biktima ng giyera.