2,288 total views
Lubos na ikinagalak ng Apostolic Vicariate of Calapan, Oriental Mindoro ang pagkakatalaga kay Zamboanga Administrator at Auxiliary Bishop Moises Cuevas bilang obispo ng bikaryato.
Ayon kay Social Action Director Fr. Edwin Gariguez, nasasabik na ang buong bikaryato sa pagtanggap kay Bishop Cuevaz na pamumunuan ang nasa 900-libong katoliko katuwang ang 70 mga pari mula sa 23 parokya.
Sinabi ng pari na sa pamamatnubay ni Bishop Cuevaz ay maipagpapatuloy ng bikaryato ang sama-samang paglalakbay upang higit na maipalaganap ang pananampalataya lalo na sa malalayong pamayanan.
“His pastoral experience in the Archdiocese of Zamboanga will certainly be a source of inspiration for us in the Vicariate, especially the dynamism of the Church in the face of social challenges and in grassroots evangelization thru BECs [basic ecclesial communities] in Mindanao,” pahayag ni Fr. Gariguez sa panayam ng Radio Veritas.
Umaasa rin si Fr. Gariguez na magiging tagapagtaguyod ng kalikasan ang bagong obispo lalo’t nahaharap ang bikaryato sa iba’t ibang suliraning pangkalikasan.
Maliban sa epekto ng tumagas na langis mula sa tumaob na MT Princess Empress sa karagatan ng Mindoro, pagsubok rin ang malawakang pagmimina na unti-unting umuubos sa mga likas na yaman ng isla.
“The ecological challenge in Mindanao, especially with regards to large-scale mining, is equally important concern in Mindoro island. We hope our new Bishop will also be an advocate of ecological conversion for our local Church,” saad ni Fr. Gariguez.
Isinapubliko ng Vatican ang pagtatalaga ni Pope Francis kay Bishop Cuevas bilang bagong pastol ng Apostolic Vicariate of Calapan kasabay ng Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo.
Si Bishop Cuevas ang hahalili kay Bishop Warlito Cajandig na nagretiro dahil sa iniindang karamdaman.
Ang obispo na tubong Batangas City ay ipinanganak noong November 25, 1973, inordinahang pari ng Archdiocese of Zamboanga noong December 6, 2000 at naging obispo August 24, 2020.