22,265 total views
Buong kababaang loob na tinanggap ni Diocese of Alaminos Bishop-elect Fr. Napoleon Sipalay, Jr. ang bagong misyong iniatang ng simbahan.
Sa panayam ng Radio Veritas, sinabi ni Bishop-elect Sipalay na bagamat hindi karapat-dapat at nangangamba sa malaking responsibilidad na kakaharapin ay ipinagkatiwala nito sa Panginoon ang pamamatnubay sa kanyang paglilingkod sa mga kawan sa Diocese of Alaminos.
“I was a missionary and I really love to be in the mission and I hope that this mission and this calling I can really give myself. If this is the call na kailangan ko mag-serve sa Diyos, I willingly accept it, I ask the Lord to sustain me and the local church, the Diocese of Alaminos,” bahagi ng pahayag ni Bishop-elect Sipalay.
Aminado ang pari na kailanman ay hindi sumagi sa kanyang isipan ang pamumunuan ang isang diyosesis sa halip ay masayang naglingkod bilang misyonerong Dominikano.
Hiling nito sa mamamayan lalo na sa mahigit kalahating milyong katoliko ng diyosesis ang mga panalangin na makatutulong sa pagpapatatag ng kanyang misyon.
Ibinahagi rin nitong isa sa mga unang gagawin sa diyosesis ang pakikipag-ugnay at pakikinig sa nasasakupan kabilang na ang mga pari, layko, relihiyoso at maging ang ecumenical movement na kasamang maglalakbay patungo sa Panginoon.
“Isa sa mga una kong gagawin ay makinig, anumang makabubuti sa lahat yun ang gagawin natin maybe after all the consultation, it’s good that in the spirit of synodality we really listen, we journey with needs of the people. I will listen and follow the Holy Spirit leads,” saad pa ni Bishop-elect Sipalay.
Itinakda sa March 18, 2024 ang episcopal ordination ni Bishop-elect Sipalay sa alas 10 ng umaga sa Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag habang sa March 19 naman ang kanyang canonical possession sa st. Joseph Cathedral sa Alaminos Pangasinan.
January 28 nang italaga ng Santo Papa Francisco si Bishop-elect Sipalay na kahalili kay noo’y Bishop Ricardo Baccay na itinalagang arsobispo sa Tuguegarao noong October 2019.
Pinasalamatan din ng pari si Lingayen-Dagupan Auxiliary Bishop Fidelis Layog na nagpastol sa diyosesis na sede vacante ng apat na taon.
1997 nang maordinahang pari ang bagong obispo ng Alaminos at bago maging misyonero ng Sri Lanka naging Assistant Master of Students and Novice Master.
Sa halos isang dekadang pagmimisyon sa Sri Lanka pinamunuan nito ang iba’t ibang posisyon kabilang na ang pagtuturo sa National Seminary of Our Lady of Lanka habang 2009 hanggang 2015 naging secretary ng Committee for Religious Formation of the Conference of Major Superiors of Sri Lanka.
Sa kasalukuyan nasa walong diyosesis pa ang sede vacante ang mga Diocese ng Baguio, Balanga, Catarman, Gumaca, Ipil, Pagadian, San Pablo at Tarlac.