376 total views
Tiniyak ni Diocese of Malaybalay Bishop – elect Noel Pedregosa na ipagpatuloy ang programa ng diyosesis para sa mahihirap lalo na sa mga katutubo.
Sa panayam ng Radio Veritas sa bagong talagang Obispo ng diyosesis, sinabi nitong palalawakin pa ang pagtugon ng Simbahan sa pangangailangan ng mahihirap na komunidad lalo na ang mga labis naapektuhan ng pandemya.
“Usa sa number 1 nga plano sa Diocese of Malaybalay kining pagpadayon sa among ‘care for the poor program’ namo tungod niining pandemya [Isa sa number 1 na plano ng Diocese of Malaybalay itong pagpapatuloy sa aming ‘care for the poor program’ bilang tugon sa pandemya],” pahayag ni Bishop-elect Pedregosa sa Radio Veritas.
Ibinahagi ng pari na sa ilalim ng programa nagsasagawa ang diyosesis ng feeding program sa mahihirap na pamayanan lalo sa mga lumad, ang pabahay program sa mga walang tahanan at ang pagpapatupad ng mga safety measures para labanan ang epekto ng COVID – 19.
Iginiit ni Bishop-elect Pedregosa ang patuloy na pagtupad sa misyon na iniatang ng Simbahan sa pagpapastol sa mahigit isang milyong mananampalataya ng diyosesis sa kabila ng iba’t ibang hamong kinakaharap ng mamamayan.
“Dili namo tugutan ang COVID-19 nga makapakgang sa pagpadayon sa misyon ni Kristo so padayon ang atong general mission, ang pagbisita sa mga hilit nga lugar [Hindi ko hahayaang maging hadlang ang COVID-19 sa pagpapatuloy ng misyon ni Kristo, so ipagpatuloy ko ang general mission, ang pagbisita sa mga liblib na lugar ng diyosesis],” ani ng bagong talagang obispo.
Makaraang lisanin ni Archbishop Jose Cabantan ang Malaybalay para sa Archdiocese ng Cagayan De Oro noong Agosto 2020, hinirang si Bishop – elect Pedregosa bilang tagapangasiwa ng diyosesis.
Ikinatuwa ni Bishop-elect Pedregosa ang pagiging administrator ng Malaybalay sapagkat ipinakikita ng halos isandaang mga pari ang pakikiisa at pakikipatulungan sa para sa ikabubuti ng simbahan at nasasakupan.
Sa halos isang taong pangangasiwa nagsagawa ng pastoral visit ang bagong talagang obispo ng Malaybalay sa mga parokya upang alamin ang pangangailangan ng mananampalataya at mapakinggan ang mungkahi ng mga pari.
Mensahe ni Bishop-elect Pedregosa sa mananampalataya ng diyosesis ang patuloy na panalangin at pagpapalaganap ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan.
“Mensahe ko sa mga taga Diocese of Malaybalay ang kasiyahan, pagpapasalamat, pag-asa at higit sa lahat ang mensahe ng pag-ibig na nakaugat kay Kristo,” dagdag pa ni Bishop-elect Pedregosa.
Sa hiwalay na panayam ng Radio Veritas, ikinatuwa ni Archbishop Cabantan ang pagkakatalaga ni Msgr. Pedregosa bilang pinunong pastol ng diyosesis habang nagpapasalamat ito sa Diyos sa biyaya ng panibagong misyon ng mabuting pastol.
“Akong dakong pasalamat sa Ginoo nga nahatagan na ug obispo ang Diocese sa Malaybalay. Wala magdugay ang ilang paghulat. Gikalipay gayud kini sa tanang katawhan sa diocese nga naa nay mag-uban kanila ug mag-amoma ug mangulo sa katawhan sa Diyos [Malaki ang pasasalamat ko sa Diyos na nabigyan na ng bagong obispo ang Diocese of Malaybalay. Hindi tumagal ang kanilang paghihintay. Tiyak na ikinatutuwa ito ng mamamayan sa diocese na may pastol nang mangangalaga at gagabay sa kanila],” pahayag ni Archbishop Cabantan.
Ginawa ang pag-anunsyo sa pagkakatalaga kay Bishop – elect Pedregosa ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown sa pagdiriwang ng Pope’s Day noong Hunyo 29 sa Manila Cathedral sa Misang ginanap sa karangalan nina Apostol San Pedro at San Pablo.
Sa kasalukuyan, may tatlong sede vacante pa ang bansa ang Archdiocese ng Capiz, Diocese ng Alaminos at ang Apostolic Vicariate ng San Jose Mindoro.