232 total views
Ipinapaubaya na sa Diyos ni Bishop-elect Bartolome Gaspar Santos Jr. ang kaniyang bagong misyon sa simbahan bilang Obispo ng Diocese ng Iba, Zambales.
Ayon kay Bishop Santos, bagama’t pagiging simpleng pari lamang ang kaniyang pangarap ay malugod niyang tatanggapin ang bagong misyon sa kagustuhan ng Panginoon.
“Lahat ng ginawa ng Diyos sa ‘yo, inihahanda ng Diyos at tutulungan ka ng Diyos sumunod ka lang sa kanya,” ayon kay Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Umaasa din ang bagong Obispo na tubong Santa Maria, Bulacan na magiging maayos ang kanyang panunungkulan sa diyosesis ng Iba sa tulong na rin ng mga pari at mga mananampalataya.
“Ako naman ay servant. Then we walk together. We journey together, siguro at we talk things over pag-usapan,” pahayag ng Obispo.
Inaasahang bago dumating ang ika-17 ng Mayo ay nasa Iba, Zambales na si Bishop Santos bilang kahalili ni Bishop Florentino Lavarias na unang itinalaga bilang arsobispo ng Archdiocese of San Fernando, Pampanga noong 2014.
Nagpapasalamat din ang obispo sa mga nanalangin at patuloy na nagdarasal sa kanya sa bagong gawaing naiatang para sa kapurihan ng Panginoon.
“Salamat din sa mga nagdarasal para sa akin. Patuloy lamang po ang pananalangin mas kailangan para hindi manghina ang loob ko kundi lagi akong malakas para makapaglingkod ako sa Diocese ng Iba,” ayon kay Bishop.
Si Bishop Santos ay itinalaga ng kaniyang kabanalan Francisco noong February 17, 2018 bilang ika-limang obispo ng Iba, Zambales.
Base sa tala ng catholic-hierarchy.org noong 2016, ang diyosesis ay may higit sa 700,000 populasyon kung saan 80 porsiyento ang mga Katoliko.
Ito rin ay binubuo ng may 50 mga pari at 22 parokya.