7,638 total views
Hinihiling ni San Pablo Bishop Buenaventura Famadico ang panalangin para sa kanyang agarang paggaling mula sa iniindang karamdaman.
Ibinahagi ng Obispo sa kanyang mensahe para sa Misa ng Krisma ng diyosesis na siya ngayon ay naka-confine sa Cardinal Santos Medical Center upang magpagamot dahil sa kakapusan sa paghinga.
Ayon kay Bishop Famadico, obispo pa lamang siya ng Diyosesis ng Gumaca ay iniinda na niya ang hirap sa paghinga ngunit naaagapan din naman agad ito.
Gayunman, mas lumala ang epekto nito ngayon kaya pinili na ng obispo na magpadala sa ospital.
“Ako ngayon ay narito sa Cardinal Santos Hospital. Kinakapos ako sa aking paghinga. Ito ay matagal ko nang nararamdaman, kahit noong ako ay nasa Gumaca pa pero hindi naman nagtatagal at nawawala nang kusa. Pero ngayon ay lalo kong nararamdaman. Ipagdasal ninyo na sana ay gumaling kaagad ako para makauwi d’yan.” pahayag ni Bishop Famadico.
Samantala, pinangunahan naman ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Vice President, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara ang pagdiriwang ng Chrism Mass ng Diyosesis ng San Pablo bilang kahalili ni Bishop Famadico.
Nagpapasalamat si Bishop Famadico kay Bishop Vergara sa pagpapaunlak na pamunuan ang dakilang okasyon para sa pagsasariwa ng pangako ng mga pari.
Hiling naman ng Obispo sa mga pari na nawa ang pagsasariwa ng pangako bilang alagad ni Kristo ay maging daan upang mapaigting ang pagkakapatiran at espiritwalidad ng bawat isa.
“Ipagdiwang natin ang okasyong ito at magpasalamat tayo sa Diyos. Nawa’y maging daan ito upang lalo pang lumalim ang ating pagkakapatiran bilang mga kapwa anak ng Diyos at madama ang kanyang paghahari dito sa lupa kahit ngayon pa lamang.” ayon kay Bishop Famadico.
Si Bishop Famadico ang ikaapat na obispo ng Diyosesis ng San Pablo makaraang italaga ni Pope Benedict XVI noong Enero 25, 2013, at kasalukuyang miyembro ng CBCP-Episcopal Commission on Clergy at ng Office for the Protection of Minors and Vulnerable Persons.