331 total views
Idinadalangin ni San Pablo, Laguna Bishop Buenaventura Famadico ang kaligtasan ng lahat laban sa pananalasa ng Bagyong Jolina at hanging Habagat sa malaking bahagi ng bansa.
Ipinagdarasal ni Bishop Famadico na pagkalooban ng Panginoon ang bawat isa nang lakas ng loob at pag-asa sa kabila nang mga sakuna lalo na’t patuloy pa ring umiiral ang coronavirus pandemic sa lipunan.
Hinihiling din ng Obispo na nawa’y sa ganitong mga pagsubok ay manaig din sa bawat isa ang pagtutulungan at pagmamalakasit lalo na sa mga higit na nangangailangan at apektado ng mga sakuna.
“Mapagkalingang Ama, sa gitna ng paghihirap dala ng pandemic [ay] dumating itong bagyo. Alam namin na kasama ka pa rin namin upang tulungan kami at iligtas. Bigyan mo kami ng lakas upang magkatulungan at magbahaginan sa gitna ng kakulangan. Bigyan mo rin kami ng ibabahagi sa isa’t isa. Punuin mo kami ng lakas ng loob at pag-asa,” panalangin ni Bishop Famadico laban sa sakuna.
Batay sa forecast ng PAGASA, patuloy na binabantayan sa loob ng Philippine Area of Responsibility ang dalawang bagyong nakakaapekto sa buong bansa na pinalalakas ng Hanging Habagat.
Ito ay ang Bagyong Jolina na huling namataan sa San Nicolas, Batangas, kung saan taglay pa rin nito ang lakas ng hangin sa 95 kilometro kada oras malapit sa sentro, pagbugso na aabot sa 160 km/h, at kumikilos sa direksyong pahilagang-kanluran sa bilis na 15 km/h.
Habang binabantayan din ang Bagyong Kiko na nasa silangang bahagi ng Gitnang Luzon, taglay ang lakas ng hangin sa 155 km/h malapit sa gitna, pagbugso na aabot sa 190 km/h, at kumikilos pakanluran-timog-kanlurang direksyon sa bilis na 20 km/h.