26,703 total views
Magsasagawa ng pastoral visitation si Novaliches Bishop Roberto Gaa sa mga parokya ng diyosesis.
Sa pastoral visit on the air ni Bishop Gaa sa Barangay Simbayanan program ng Radio Veritas, dalawang taon ang ilalaan ng Obispo para bisitahin ang 74 na mga parokya ng diyosesis.
Binigyang diin ng obispo ang kahalagahan ng pastoral visitation upang malaman ang kalagayan ng bawat komunidad.
“I really need to spend time para makinig, ito ay pagkakataong makinig ang bishop sa mga naglilingkod sa mga parokya,” ayon kay Bishop Gaa.
Mananatili si Bishop Gaa sa mga parokya mula Biyernes ng hapon hanggang Sabado ng gabi kung saan kabilang sa mga gawain ang pakikipagpulong sa Parish Pastoral Council, Finance Council, iba’t ibang ministries at organizations ng parokya, mga eskwelahan, mga opisyal ng barangay at maging home owners association sa mga nasasakupang pamayanan.
Bukod pa rito ang pagbisita sa mga munting pamayanan o basic eclessial communities at sa mga kapilya.
Napansin din ni Bishop Gaa ang kakulangan ng mga pari upang gampanan ang mga gawaing pastoral at pagpapastol sa mahigit dalawang milyong kawan kaya’t paiigtingin ng diyosesis ang vocation campaign.
“Sabi ko sa vocation director, let’s push na sana magkaroon ng isang bokasyon bawat parokya, para ma-sustain at may papalit sa mga pari kapag tumanda,” giit ni Bishop Gaa.
Pagbabahagi ng obispo 57 taong gulang ang average age ng mga pari ng diyosesis kung saan ilang taon na lamang upang maabot ang retirement age.
Sisikapin ni Bishop Gaa ang pagsasagawa ng pastoral visit sa bawat termino upang matiyak ang ugnayan ng diyosesis sa mga parokya.